Mandato ng Bise Presidente, kailangang palawakin – VP Robredo

Mandato ng Bise Presidente, kailangang palawakin – VP Robredo

June 27, 2022 @ 10:11 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Bise Presidente Leni Robredo ang pangangailangang pag-usapan kung paano palawakin ang mandato ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa sa pagtatapos ng kanyang lingguhang radio show nitong Linggo.

Sinabi ito ni Robredo sa huling yugto ng kanyang radio show na “BISErbisyong Leni” bago magtapos ang kanyang termino bilang Bise Presidente sa ika-30 ng Hunyo.

“Kailangan pag-isipan talaga kung papaano mas bibigyan ng mas malaking mandato ‘yung VP, kasi sayang kung halimbawa, kung ‘di ka masyadong naging creative, sayang ‘yung opisina,” ani Robredo.

Nagbalik tanaw siya sa sarili niyang mga karanasan, lalo na sa kung paano she and her office were not treated as an ally and part of the government,” na inamin niyang hindi madali.

“Para sa’kin kailangan pagusapan siya kung paano bibigyan ng mas malaking espasyo [ang VP] para mas may magawa,” ani Robredo.

Samantala, sa kabila ng mga paghihirap at limitasyon na kinaharap niya at ng kanyang opisina bilang Bise Presidente, sinabi ni Robredo na tinitingnan nila ito ngayon bilang “mga biyaya,” na nagpapahayag ng pasasalamat sa kanilang pinagdaanan.

“Grabe ‘yung dinaanan namin, ayaw na namin ikwento ‘yung dinaanan kasi para sa’min ‘yun ‘yung blessing,” ani Robredo.

“‘Yung kahirapan talaga ‘yun ‘yung blessing, syempre kung tatanungin kami sana hindi naging mahirap, pero ngayon na tapos na, pasalamat kami na naging mahirap kasi natututo kaming paghusayan lahat ng mahirap,” giit pa niya.

Sinabi ni Robredo na sa hirap, at sa kabila ng mga limitasyong kinaharap ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, lahat sila ay nakapagtanghal sa abot ng kanilang makakaya.

“Natuto kami maghanap ng paraan and to my mind, ‘yun ‘yung nagpahusay sa amin, kasi pag mahirap maging mahusay ka eh, ‘pag mahirap maghanap ng paraan,” aniya pa. RNT