Mandatory contributions sa Christmas party, bawal – DepEd

Mandatory contributions sa Christmas party, bawal – DepEd

December 5, 2022 @ 1:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bagama’t pinayagan na ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng mga Christmas party sa mga pampublikong paaralan at mga field offices ng ahensya, mahigpit na ipinagbawal naman ang mandatory contributions para sa naturang selebrasyon.

Ito ay ayon sa inilabas na kautusan ni
Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa kanyang DepEd Order No. 50 noong Nobyembre 2 na nagtatakda ng simple ngunit makabuluhang mga selebrasyon.

“Celebrations in schools and DepEd offices, as far as practicable, should be simple yet meaningful. Christmas party themes should not result [in] expenses that will become a burden on parents, students, and DepEd personnel,” saad sa kautusan.

Dapat ay boluntaryo lamang din ang mga tema, costumes, dekorasyon at exchange gift sa mga Christmas party.

Walang sinumang estudyante o empleyado ang pipwersahin na mag-ambag o makadalo sa selebrasyon gamit ang kanilang salapi.

Dagdag pa, ipinagbabawal din ang solicitation at ang hindi pagsama sa isang estudyante na makasali sa Christmas party kung wala itong naambag o dalang regalo.

“Gift-giving should be guided by the spirit of sharing and should not lead to extravagant spending,” ani Duterte.

Ipinaalala rin ng Kalihim at Bise Presidente na iwasan na ang pagbili ng mga bagong dekorasyon sa halip ay mag-recycle na lamang ng mga nagamit sa nagdaang mga taon.

Samantala, sinabi ni Duterte na ang mga pribadong paaralan, community learning centers, state o local universities at colleges ay maaaring sundin o gayahin ang probisyon ng kautusan sa pagsasagawa ng kani-kanilang Christmas party. RNT/JGC