Mandatory Drug Test Sa elected officials dapat lang!

Mandatory Drug Test Sa elected officials dapat lang!

July 2, 2018 @ 7:23 PM 4 years ago


Puspusan ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa illegal drugs at marami na rin ang nagsusulong na magmula sa mga elected official ang pagpapakita ng sinseridad sa kampanya sa pamamagitan ng kusang-loob na pagsalang sa drug test.

Sang-ayon ako sa ganitong panuntunan na dapat ang mga  elected official ang maging modelo sa kampanyang ito.

At kung sinoman ang madidiskubreng sangkot o rektang may kaugnayan sa illegal drug trade sa ating bansa ay dapat alisin sa pwesto at parusahan.

Kailangang ilunsad ang mandatory drug test sa lahat ng elected officials dahil base sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mayroong 7 congressman; 60 na mayor; vice mayors; military at police officer; 93 government employee; at mahigit 200 barangay official ang kabilang sa listahang inilabas ng PDEA bago gina­nap ang Barangay at SK Elections noong May 14, 2018.

Sa listahan ng mga narco-politician, mayorya sa mga ito ay mga incumbent official na ang ilan sa kanila ay nasa CALABARZON, Northern Mindanao at ARMM.

Ang masaklap, nang matapos ang Barangay at SK Elections ay mayroong 60 na kabilang sa narcolist ang mga nanalo bilang mga barangay official.

Nalintikan na.

Para maalis ang batik o pagdududa sa lahat ng mga nanunungkulan sa ating gobyerno ay pangunahan mismo ng ating mga lider ang pagpapatupad ng mandatory drug tests at ang sinomang magpopositibo ay parurusahan.

Malaki ang simpatiya natin sa kakayahan at sinserong pagpapatupad ni PDEA Director General Aaron Aquino ng walang patid na mga operasyon.

Ang mga nagkukutsabahan ay dapat mabalahibuhan na.

Ayaw nating magkaroon ng bansang pinamumugaran ng mga praning!

–  DALA KO EGCO