Mandatory drug test sa mga artista aprub sa PNP

Mandatory drug test sa mga artista aprub sa PNP

October 4, 2022 @ 11:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ikinatuwa ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes ang panawagan ng isang mambabatas para sa mandatory drug test sa mga celebrity at iba pang talent bago lumabas sa mga entertainment project.

Sa isang press briefing sa Camp Crame sa Quezon City, nanawagan si PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa mga pangunahing network ng telebisyon at grupo sa industriya ng entertainment na ipatupad ang panukala, na binanggit na ang mga kilalang tao ay dapat magsilbing huwaran para sa mga kabataan.

“We encourage ‘yung mga giant networks, even yung actors’ guild. Sila na magkusa parang nang sa ganun ay maipakita nila na tumutulong sila sa ating kampanya laban sa illegal na droga,” ani Azurin sa pahayag sa mga reporter.

Ito ay matapos maaresto ang aktor na si Dominic Roco at ilang iba pa sa isang anti-drug operation sa Quezon City noong weekend.

Si Dominic, 33, anak ng beteranong aktor na si Bembol Roco, at ang kanyang mga kasamahan ay nakakuha ng PHP112,000 halaga ng shabu at PHP14,000 halaga ng dahon ng marijuana.

“Kung role model ka, dapat impeccable ang character mo. Ibig sabihin, malinis ka. So I welcome that all of our actors and actresses would volunteer to be tested para mapatunayan na marami o lahat sila ay mabubuting huwaran,” ani Azurin.

Nauna nang ipinanunukala ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mandatory drug test sa mga artista at iba pang celebrity na iniidolo ng publiko, partikular na ang kabataan, bago sila atasan na gumawa ng mga pelikula at iba pang kaugnay na gawain.

Sinabi ni Barbers na mula noong 2016, hindi bababa sa walong celebrity ang naaresto dahil sa diumano’y pagkakasangkot sa ilegal na droga — ang mga aktor na sina Mark Anthony Fernandez at Julio Diaz, mga aktres na sina Krista Miller at Sabrina M, disk jockey na si Karen Bordador at ang kanyang boyfriend na si Emilio Lim, dating child star na si CJ Ramos, at rapper na si Zaito. RNT