Mandatory drug tests sa high school at college students- PDEA

Mandatory drug tests sa high school at college students- PDEA

July 13, 2018 @ 8:52 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Matapos ibasura ng Department of Education (DepEd) ang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa drug test ang mga elementary students, nagmungkahi muli ang ahensiya na kahit sa high school at college students na lamang muna ito ipatupad.

Sinabi ito ni PDEA chief Director General Aaron Aquino sa isang press conference kahapon (July 12) sa PDEA headquarters sa Quezon City.

Nang tanungin tungkol sa naging pagpupulong sa DepEd na nangyari kamakalwa, sinabi ni Aquino, “Before the meeting ended, sinabi ko baka pwede naman nilang pagbigyan na lang na magkaroon ng mandatory drug test ang secondary and tertiary, kahit ‘yun na lang muna.”

Dagdag pa ni Aquino, ang kasalukuyang sistema sa random drug testing para sa mga estudyante sa high school and college ay ‘ineffective’ dahil “hindi mo natutukoy o tinatamaan ang dapat i-drug-test.”

Mahigit sa kalahati ng mga minor de edad na naaresto dahil sa pagkakadawit sa iligal na droga ay mga estudyante, ayon sa datos ng PDEA.

Inamin naman ni Aquino na nasa kamay na ng kongreso kung ipatutupad nito ang drug test para sa lahat dahil kailangan nitong amyendahan ang Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa batas:

(c) Students of secondary and tertiary schools. – Students of secondary and tertiary schools shall, pursuant to the related rules and regulations as contained in the school’s student handbook and with notice to the parents, undergo a random drug testing..

Samantala, sinabi naman ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang kasalukuyang set-up ay sapat lamang para mapigilan ang mga estudyante sa iligal na droga. (Remate News Team)