Mandatory military service sa Pinoy itutulak ni Sara ‘pag nanalong bise

Mandatory military service sa Pinoy itutulak ni Sara ‘pag nanalong bise

January 20, 2022 @ 8:04 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Davao City Mayor at vice-presidential aspirant Sara Duterte-Carpio na itutulak niya ang mandatory military service sa lahat ng mga nasa hustong edad na Pilipino kapag nanalo sa eleksyon.

“Nakikita po natin ito sa ibang bansa, sa South Korea, sa Israel nakikita po natin yan doon sa kanila. Hindi po ROTC [Reserve Officers’ Training Corps] lang na isang subject, o isang weekend o isang buwan sa isang taon,” ani Duterte-Carpio.

Dagdag pa ng alkalde na parehong lalaki at babae ang hihimukin na magserbisyo sa Armed Forces of the Philippines. SIla ay mabibigyan ng subsidiya sa pagsisilbi sa bansa.

Ang ROTC o ang dating mandatory military training sa mga kolehiyo ay ginawang ‘optional’ noong 2002 bunsod ng kontrobersiyang umusbong matapos ang pagkasawi ni Mark Chua, isang University of Sto. Tomas student.

Sinasabing pinatay siya ng course officers matapos na isiwalat ang sinasabing ROTC fund mismanagement.

Sa ngayon, ang military service sa Pilipinas ay boluntaryong isinasagawa.

Pero nakasaad sa Article 2, Section 4 ng 1987 Constitution na maaari naman itong ipatupad ng mandatory.

“The Government may call upon the people to defend the State and, in the fulfilment thereof, all citizens may be required, under conditions provided by law, to render personal military or civil service,” saad sa Saligang Batas. RNT