Mandatory quarantine sa flight crew burado na ng CAAP

Mandatory quarantine sa flight crew burado na ng CAAP

September 23, 2022 @ 10:20 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Inalis na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mandatory facility-based quarantine na ipinatutupad sa mga flight at cabin crew members bilang bahagi ng kanilang COVID-19 protocol.

Sa isang social media post nitong Huwebes, Setyembre 22 ay sinabi ng CAAP sa ilalim ng Memorandum Circular 024-2022 na ang kailangan na lamang gawin ng mga flight personnel ay i-monitor ang kanilang sarili kung may sintomas ng naturang sakit.

Dagdag pa rito, kung isa man sa mga manggagawa ay magpositibo sa COVID-19, dapat na magbigay ng agarang atensyong pang-medikal ang mga air operators.

“The memorandum circular supersedes M.C. No. 06-2022 and M.C. No. 07-2022,” batay sa nakasaad sa post.

Bagama’t inalis na ang mandatory quarantine ay mananatili pa rin ang mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na public health regulations sa mga airline personnel na mangangailangan ng layover o transit sa isang bansa. RNT/JGC