Mandatory retirement age ipinababasura sa Kamara

Mandatory retirement age ipinababasura sa Kamara

August 10, 2022 @ 10:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Isinusulong sa Kamara ang panukala na mag-aalis sa mandatory retirement age na 65.

Inihain ni Rep. Rodolfo Ordanes ang House Bill 3220 na naglalayon na amyendahan ang labor code na nagtatalaga sa 65 bilang retirement age.

Sa ilalim ng panukala, ang mga empleyado na nasa 65 taon ay may opsyon pa rin na magtrabaho.

“Marami sa ating senior citizens ang maliit lang ang tinatanggap na monthly pension kaya napipilitan sila maghanap ng trabaho para madagdagan ang kanilang ikinabubuhay. Sa kakapusan ng ikabubuhay, napipilitan pa sila maghanap ng ibang trabaho kahit retired na,” ani Ordanes.

Pinuri naman ni National Commission of Senior Citizens chair Atty. Franklin Quijano ang panukala.

Subalit, nilinaw niya na dapat tiyakin sa panukala ang insurance at benepisyo ng mga senior citizen sa informal sector.

“Hindi lang clerical. Even the manual and menial, in fact ngayon, 45 percent of the senior citizens are still with the agricultural and fisheries sector,” aniya.

Iginiit pa ni Quijano na pwede pang pagbutihin ang panukala sa pagsunod sa models ng employment at re-employment sa first world countries.

“Pwede ka mag-retire at 40, pwede ka mag-apply na naman ng ibang trabaho, then mag-retire ka at 55, and mag-apply ka na naman. In itself, maipasa lang ang batas na ‘yan, okay na,” pahayag niya. RNT/SA