Mandatory vaccination ipinatitigil sa SC

Mandatory vaccination ipinatitigil sa SC

May 12, 2022 @ 2:12 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Hiniling sa Korte Suprema na maideklarang “unconstitutional” ang “COVID-19 mandatory vaccinations”.

Kabilang sa mga petitioner ay mga miyembro ng COVID Call to Humanity, Concerned Doctors and Citizens of the Philippine, Legal Lightworkers for Life and Liberty at Juan Dakila Movement, na pawang binubuo ng mga doktor, scientists, abogado, mga guro at iba.

Kasama naman sa respondents ay mga miyembro ng Inter-Agency Task Force o IATF sa pangunguna ng pinuno nito na si Health Sec. Francisco Duque III.

Nakasaad sa petisyon ang hiling sa Korte Suprema na mag-isyu ng temporary restraining order o TRO, at ideklarang “null and void” dahil sa pagiging labag sa Konstitusyon ng Pilipinas at international law ng patakaran ng IATF patungkol sa pagtugon sa COVID-19 partikular ang Resolution 148-B ukol sa mandatory vaccination.

Sa Resolution 148-B, nakasaad na sa mga lugar na sapat ang supply ng bakuna– ang establishments at mga employer ay maaaring i-require ang “eligible employees” na pisikal o on-site ang trabaho na mabakunahan kontra COVID-19.

Pero ayon sa lead petitioner na si Nicanor Perlas, naniniwala silang malakas at komprohensibo ang kanilang petisyon, na aabot sa 150 pahina at suportado ng 1,000 pahinang annexes at mga ebidensya.

Paliwanag ni Perlas, hindi sila kumbinsido na ligtas at epektibo ang mga bakuna kontra COVID-19.

Ang DOH ay hindi naman nagkulang at paulit-ulit ang DOH na nakakatulong ang COVID-19 vaccines sa proteksyon ng publiko. Teresa Tavares