Mandatoryong pagpapaturok ng COVID booster ‘di pa kailangan – DOH

Mandatoryong pagpapaturok ng COVID booster ‘di pa kailangan – DOH

July 12, 2022 @ 7:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi pa nakikita ang pangangailangang iutos ang pagbibigay ng COVID-19 booster shots, tulad ng pangunahing serye ng bakuna sa pangkalahatang publiko sa kabila ng mababang paggamit nito o low uptake, sinabi ng Department of Health (DOH).

Sa DOH briefing, sinabi ni Health Usec Maria Rosario Vergeire na epektibo ang ilan sa mga istratehiya ng gobyerno noon para palakasin ang pagbabakuna sa COVID-19 sa bansa kahit hindi ito kinakailangan.

Ipinunto rin ni Vergeire na walang batas na nag-uutos ng booster inoculation.

Aniya, kailangang pag-aralang mabuti kung talagang ang direksyon ay mapag-aralan at magkaroon ng batas para sabihing maging mandatory ito sa lahat.

“Sa ngayon, at this point in time, hindi natin nakikita na kailangan natin niyan. Katulad ng sabi ko nga, in the past, we were able to improve and increase our vaccination efforts by implementing different nudges na ginagawa natin,” dagdag pa ni Vergeire.

Naalala ni Vergeire na ang gobyerno ay nagpatupad ng incentive at disincentive scheme noon sa hangarin na hikayatin ang mga Pilipino na makuha ang pangunahing serye ng bakuna laban sa COVID-19.

Kabilang sa ilang dating istratehiya ang pangangailangan ng RT-PCR tests para sa unvaccinated employees na papasok sa trabaho at pahintulot na magdine-in ang mga fully vaccinated at makapasok sa indoor public places.

Umaasa naman si Vergeire na magagawa ito ulit sa darating na mga linggo para madagdagan ang mga istratehiya na ine-employ.

Base sa pinakahuling datos ng DOH, nasa 15.3 milyong indibidwal na ang nakatanggap ng kanilang booster shots, kung saan 954,000 dito ang nakatanggap ng kanilang pangalawang booster dose.

Hindi naman bababa sa 71 milyong indibidwal ang fully vaccinated laban sa COVID-19.

Ang pambansang pamahalaan ay kasalukuyang nagbibigay ng unang booster shot para sa edad na 12 pataas kasing aga ng tatlong buwan pagkatapos matanggap ang kanilang pangalawang pangunahing dosis ng bakuna.

Samantala, ang mga pinapayagan na makatanggap ng pangalawang booster dose ay mga frontline healthcare workers, senior citizens at immunocompromised individuals. Jocelyn Tabangcura-Domenden