Mangangaso napagkamalang usa; nabaril ng kasama, dedbol!

Mangangaso napagkamalang usa; nabaril ng kasama, dedbol!

September 7, 2022 @ 12:36 PM 3 weeks ago


IFUGAO- Patay ang isang 43-anyos na lalaki matapos na aksidenteng nabaril ng kanyang kasama sa pangangaso sa Mt. Alibut-tung, Bokiawan, Kiangan, Ifugao.

Kinilala ang biktima na si Fredie Ananayo Yogyog, residente ng Sitio Ampugpug, Bokiawan, Kiangan, Ifugao.

Kinilala naman ang suspek na si Lener Layagon Tobiagon, 28, kalugar ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Kiangan Police, ang suspek at ang biktima ay umakyat sa Mt. Alibut-tung noong September 4 para mangaso.

Nagdesisyon ang dalawa na umuwi ng Setyembre 5.

Pauwi na ang suspek at ang biktima nang may makita silang bakas ng Usa kaya napagkasunduang nilang maghiwalay at hanapin ito.

Habang abala sila sa paghahanap, napansin ng suspek na may kumikislot o gumagalaw sa masukal na lugar at sa pag-aakalang ito ang hinahanap nilang usa ay agad niyang pinaputukan.

Nang puntahan at tingnan ito ng suspek, nagulat na lang siya nang makitang ang biktima ang kanyang nabaril.

Dahil dito, mabilis na umuwi ang biktima para ipaalam ang nangyari.

Agad naman naibaba mula sa Mt. Alibut-tung ang bangkay ng biktima at naiuwi sa kanilang lugar.

Ang suspek ay boluntaryong sumuko sa mga awtoridad. Rolando S. Gamoso