Manggagantsong bebot na nagpakilalang taga-DSWD tiklo sa entrapment

Manggagantsong bebot na nagpakilalang taga-DSWD tiklo sa entrapment

September 21, 2022 @ 4:40 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Dinakip ang isang manggagantsong bebot na nagpakilalang taga-Department of Social Welfare Development (DSWD) para mag-recruit ng mga tao na ipapasok ng trabaho sa nasabing ahensya at magiging kasapi pa ng 4Ps sa entrapment operation, sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Iniharap sa mga mamamahayag nina Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr. at Caloocan police Chief Col. Ferdinand Del Rosario ang suspek na si Myra Mangitngit, 43, ng Blk. 16-B, Lot 106, Padas Alley, Brgy. 12, Caloocan.

Ani Del Rosario, nakatanggap sila ng reklamo mula kina Ruth Mediana at isang Mrs Racquel, Product Development Officer ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Navotas City na nagpapanggap ang suspek na Product Development Manager ng DSWD.

Nagre-recruit umano ang suspek ng mga tao para ipasok ng trabaho sa DSWD kapalit ng halagang P3,050 bilang processing fee at iba pang gastusin para sa medical examination, documentation, RT-PCR test, nameplate at uniform.

Bukod dito ay ginogoyo din umano ni Mangitngit maging ang mga dukha na ipapasok bilang miyembro ng 4Ps program ng gobyerno kapalit ng salapi.

Dagling isinagawa ng Intelligence Unit ng Caloocan Police ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa labas ng kanyang bahay dakong als-9:30 ng umaga matapos tanggapin ang P3,050 marked money mula sa isang undercover.

Dagdag ni Del Rosario, umabot na sa mahigit P600,000 ang natangay ng suspek sa mga biktima na pawang mga residente ng Caloocan at Malabon, at isa sa mga ito si Maribeth Sendito, 41, na kapitbahay ng suspek na natangayan ng mahigit P70,000.

Hinikayat ni Del Rosario ang iba pang mga nabiktima na lumapit sa Caloocan Police para sa karagdagang kaso na kanilang isasampa laban sa suspek, habang patuloy ang kanilang follow-up operation para sa posibleng mga kasabwat ng suspek. Merly Iral