Manggagawang magpapabakuna sa 2nd vax drive ‘excused’ sa trabaho

Manggagawang magpapabakuna sa 2nd vax drive ‘excused’ sa trabaho

December 14, 2021 @ 4:54 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Hindi ituturing na “absent” sa trabaho ang mga empleyado ng pampubliko at pribadong kompanya na balak magpabakuna sa second wave ng vaccination program sa buong bansa, ayon kay Presidential Adviser for COVID-19 Response Vince Dizon.

“Basta po ang rason eh magpapabakuna, hindi po sila dapat ma-mark na absent o mabawasan ang kanilang benepisyo,” paglilinaw niya sa PTV nitong Martes.

Naglabas din ang pamahalaan ng parehong direktiba sa unang phase ng “Bayanihan, Bakunahan” project noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Magsisimula ang ikalawang round sa Miyerkules hanggang Huwebes. Subalit gaganapin lamang ito sa Metro Manila, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Cordillera Administrative Region.

Nagtakda naman ang mga opisyal ng ibang petsa para sa pagbabakuna sa iba pang lugar sa bansa, mula Disyembre 20 hanggang 22, bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng tropical cyclone “Odette.”

Sa kabila nito, umaasa ang gobyerno na makapagbabakuna ng pitong milyong katao sa three-day drive. RNT/SA