Mangingisda nagpakamatay sa ka-LQ na partner

Mangingisda nagpakamatay sa ka-LQ na partner

November 4, 2022 @ 3:55 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpakamatay ang isang mangingisda sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili makaraan ang mainitang pagtatalo nila ng kanyang live-in partner sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Sa report ni PSSg Levi Salazar kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-7 ng gabi nang matagpuan ng kanyang 34-anyos na kapatid na babae ang 37-anyos na biktima na nakabigti sa kisame sa ilalim ng kanilang bahay sa 147 Gov. A Pascual St., Pitong Gatang, Brgy. Sipac-Almacen gamit ang isang lubid.

Kaagad ipinaalam ng saksi sa 34-anyos na live-in ng biktima ang insidente saka humingi sila ng tulong sa kanilang mga kapitbahay bago isinugod ang biktima sa Navotas City Hospital subalit, idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Sa pahayag sa pulisya ng live-in ng biktima, bago ang insidente ay nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo matapos siyang akusahan nito na nakikipagrelasyon sa ibang lalaki.

Sinabi din ng saksi sa pulisya na pumunta sa kanilang bahay ang kanyang kapatid at kinausap siya tungkol sa kanilang pagtatalo saka nagsabi na “Tandaan niyo, bukas hindi niyo na ako makikitang buhay!”

Nagpahayag naman ng isang affidavit ang saksi na naniniwala siya na walang naganap na foul play sa pagkapamatay ng kanyang kapatid at tumanggi na rin sila sa isasagawa pang imbestigasyon. Boysan Buenaventura