Mangingisda patay sa pamamaril sa Malabon

Mangingisda patay sa pamamaril sa Malabon

October 17, 2022 @ 10:53 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Todas ang isang mangingisda matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na kinilala bilang si Rolando Suangco, 43 ng No. 546 H. Monroy, Brgy. Navotas West, Navotas City.

Lumabas sa isinagawang imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Diego Ngippol, habang nakaupo ang biktima sa gutter ng kalsada sa Women’s Club St., Brgy. Hulong Duhat, Malabon City dakong alas-12:10 ng hatinggabi nang dumating ang mga suspek.

Isa sa mga suspek ang kaagad naglabas ng hindi mabatid na kalibre ng baril at sa hindi malaman na dahilan ay pinagbabaril nito ng ilang beses ang biktima sa ulo at katawan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek patungong M. Naval St. Brgy. Hulong Duhat habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan ng rumespondeng mga tauhan ng Sub-Station 7.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang apat na basyo ng bala, isang metal jacket at isang deformed bullet habang inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril sa biktima.

Ipinag-utos na ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot sa kanyang mga tauhan ang follow-up imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek. Boysan Buenaventura