Mangingisda sugatan sa pananaksak sa Navotas

Mangingisda sugatan sa pananaksak sa Navotas

May 3, 2022 @ 1:32 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sugatan ang isang mangingisda matapos saksakin ng isa sa tatlong salarin sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Sa tinanggap na ulat ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, habang nakaupo sa kahabaan ng Badeo 5, San Roque ang biktimang si Jonathan Biguina, 30 ng Ferry 5, Badeo 5, dakong alas-10:30 ng gabi nang lapitan ng tatlong suspek na nakilala ang dalawa sa mga ito bilang sina Jayson Esparcia, 18, grade 8 student ng Oliveros St., at Mark Anthony Sevilla, 20, helper ng F Cruz, kapwa ng Brgy. Tangos North.

Bigla na lamang sinugod ng dalawa sa mga suspek gamit ang kahoy bilang armas ang biktima kaya’t tinangka niyang tumakbo para tumakas.

Gayunman, hinabol siya ng mga suspek at nang maabutan ay isa sa mga ito ang sumaksak sa biktima sa likod na naging dahilan upang bumagsak siya at tumama sa semento.

Nang makita ng mga suspek ang pagdating ng rumesponding ng mga tanod ng Brgy. San Roque ay mabilis na tumakas ang mga ito habang isinugod naman ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan upang magamot ang tinamong saksak. Boysan Buenaventura