Mangrobang naka-2 gold sa SEAG

Mangrobang naka-2 gold sa SEAG

May 15, 2022 @ 1:57 PM 1 month ago


HANOI — Napanatili ni Kim Mangrobang ang kanyang magandang performance sa 31st Southeast Asian Games kung saan sumungkit siya ng panibagong gold medal sa women’s individual duathlon ngayong araw (Linggo).

Isang araw lamang matapos manalo sa triathlon, muling ipinalasap ni Mangrobang ang kanyang dominasyon at inangkin ang kanyang pangalawang gintong medalya.

Siya ang unang Pilipinong atleta na nanalo ng dobleng ginto sa edisyong ito ng multi-sport event.

Noong 2019, double gold medalist din siya dahil tinulungan niya ang Team Philippines na makuha ang nangungunang premyo sa women’s individual triathlon at mixed relay triathlon.

Sa pagkakataong ito, sumabak siya sa duathlon kung saan ipinagtanggol niya ang gintong medalya ng Pilipinas tatlong taon na ang nakalilipas.

Si Monica Torres ang gold medalist para sa Pilipinas sa women’s individual duathlon sa Manila edition ng Games.

Ang panalo ni Mangrobang ay nagbibigay sa Pilipinas ng ika-14 na ginto sa patimpalak para magpatuloy sa paghabol sa Top 3 finish sa standing.RICO NAVARRO