Manila, Philippines – Isang manhunt operation ang ikinasa ngayon ng Manila Police District (MPD) laban sa nakatakas na preso na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ipinag-utos ni MPD Director Chief Supt.Rolando Anduyan ang manhunt sa nakatakas na si Armand Arroyo habang inaresto na rin ang kanyang ina na si Ma.Teresa Arroyo na mahaharap sa kasong obstruction of justice dahil sa pagpigil nito sa mga pulis nang tangkain nilang pasukin ang coomfort room ng Ospital ng Maynila kung saan tumakas ang suspek.
Nauna rito, dumaing ng paninikip ng dibdib ang suspek kaya isinugod ito sa naturang ospital at dumating naman ang kanyang ina matapos tawagan ng MPD-Station 9 .
Dahil sa insidente, apat na tauhan ng nasabing istasyon ang na-relieve sa kanilang puwesto.
Kabilang dito ang Deputy Station Commander na si P/Chief Inspector Romeo Salvadora, ang jailer na si PO1 Lyzer Sagala, at dalawang escort na sina PO1 Rolly Q.Mendaño, PO1 Elvin Ramirez.
Sina Mendoza at Ramirez ay ipinagharap ng reklamong infidelity of public officers na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code.
Nilinaw naman ni Anduyan na hindi kasama si MPD Station 9 Commander, Supt. Robert Domingo sa mga sinibak. (JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)