Manifesto ipinaiikot sa Kamara para sa pagpapatalsik kay Speaker Alvarez

Manifesto ipinaiikot sa Kamara para sa pagpapatalsik kay Speaker Alvarez

July 23, 2018 @ 2:09 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Upang mapilitang mapababa sa pwesto si House Speaker Pantaleon Alvarez, isang manifesto ang ipinaiikot ngayon sa House of Representatives na nanawagan ng Change Leadership kung saan target na makakuha ng 147 lagda ng mga mambabatas at si Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo ang siyang ipapalit.

Ayon kay Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na syang nanguna sa pinaiikot na manifesto na sa oras na makuha na nila ang target na lagda na pabor sa pagbabago ng Liderato sa Kamara ay kanilang bibigyan ng kopya si Alvarez, wala umanong opsyon si Alvarez kundi sundin dito lalo at mayorya na ang ayaw sa kanyang liderato.

“Itong manifesto na ito ay pagpapakita na we want change in leadership and we want Former President Arroyo to be the new speakers” paliwanag ni Atienza.

Iginiit ni Atienza na walang choice si Alvarez kundi kilalanin ang isinasaad ng manifesto at bumaba sa pwesto.

“Kung hindi sya bababa, ifo-force namin ang issue sa plenary bukas (July 24)” dagdag ni Atienza.

Bagamat suspendido ang sesyon ng Kamara hanggang alas 4:00 ng hapon ay ilang mambabatas ang nakitang bumalik sa plenary para lumagsa sa manifesto.

Sina Pampanga Rep Arroyo at si Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo ay nakitang magkakasama ngayon sa plenary hall at naghihintay ng resulta ng signature campaign.

Matatandaan na noon pang Marso 2018 naging maugong ang pagpapatalsik kay Alvarez kung saan si Floirendo na dating kaibigan ni Alvarez ang sinasabing nasa likdo nito matapos kasuhan ni Speaker si Floirendo sa Office of the Ombudsman, lalo pang naging maugong ang pagpapatalsik kay Alvarez nang makabangga naman  nito si Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte. (Gail Mendoza)