MANILA 2nd DISTRICT INULAN NG BIYAYA KAY CRV

MANILA 2nd DISTRICT INULAN NG BIYAYA KAY CRV

December 30, 2022 @ 12:01 PM 4 weeks ago


HAPPY talaga ang mga residente ng 2nd District ng Maynila dahil tulad noong panahon ng pandemya, hindi sila pinabayaan ni Rep. Rolan Valeriano, at sumabay ito sa pamumudmod ng mga regalo noong Pamaskong Handog na pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Kabi-kabila ang biyayang pamasko ang naihatid sa bawat tahanan ng mga residente ng ikalawang distrito, na tila isa ng tradisyon na kanilang matatamasa taon-taon, hangga’t sina CRV at Pangan ang nanunungkulan sa lokal na pamahalaan.

Noon kasing panahon ng pandemya, hindi nawalan ng pagkain sa hapag kainan ang mga taga- District 2 dahil sunod-sunod ang ayudang ipinamamahagi nina dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Valeriano.

Sobra pa nga sa limang miyembro ng isang pamilya ang naipamahagi ng dalawang opisyal kaya parang hindi naramdaman ng maraming residente sa lugar ang hirap ng mawalan ng hanapbuhay.

Pero hindi lang pala sa panahon ng kapaskuhan magtatapos ang biyaya ng maraming residente sa District II dahil tiniyak ni CRV na ipagpapatuloy niya ang programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD na isinulong ng Department of Labor and Employment na layuning mabigyan ng pansamantalang hanapbuhay ang mga walang trabaho ng hanggang 10-araw at hindi lalagpag ng 30-araw.

Inakala kasi ng marami na mahihirapan nang maipagpatuloy ng mga kongresista ang paghahatid ng tulong sa pamamagitan ng TUPAD matapos mabulgar ang anomalyang naganap sa isang distrito sa Quezon City kung saan pinagkaperahan ng mga tiwali sa lokal na pamahalaan ang programa ng DOLE.

Ang nangyari tuloy, ipinabusisi ng noon ay kalihim ng ahensiya na si Secretary Silvestre Bello III ang pangyayari hanggang sa masampahan nga ng kaso ang ilang indibiduwal, kabilang ang dating kongresista ng ikalawang distrito ng Quezon City na si Precious Hipolito-Castelo at lima niyang tauhan.

Gayunman, hindi ito naging balakid para hindi na ituloy ni CRV ang magandang programa pero tiniyak niya wala ng sinomang opisyal, maging ng mga taga-barangay, ang magsasamantala sa perang nakalaan sa mga benepisyaryo tulad ng nangyari ng mga nagdaang panahon.

Sabi ni CRV nang magsalita siya sa ginanap ng “Pamaskong Handog 2022” para sa mga opisyal ng barangay na kanyang nasasakupan, hindi na dapat pang maulit ang ginawang pangungupit ng isang opisyal ng barangay sa perang dapat tanggapin ng benepisyaryo mula sa programang TUPAD dahil siya mismo ang magsasampa ng kaso laban sa mga magtatangka pang gumawa nito.

Aniya, kasalukuyan ng gumugulong ang kaso laban sa barangay official na inaakusahang hinati o “biniyak” ang perang dapat tanggapin ng benepisyaro para sa sariling niyang bulsa mapunta ang malaking bahagi.

Pinalakpakan naman ng mga residenteng dumalo sa okasyon si CRV na anila ay isang hakbang na kapuri-puri para sa isang lingkod-bayan na tulad ng kanilang ini-idolong kongresista.