Manila City Hall nilibot ni Mayor Lacuna sa unang araw ng paglilingkod

Manila City Hall nilibot ni Mayor Lacuna sa unang araw ng paglilingkod

July 1, 2022 @ 3:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nilibot ng bagong alkalde ng Lungsod ng Maynila ang mga tanggapan ng Manila City Hall sa unang araw nito bilang punong ehekutibo sa kabisera ng bansa.

Ayon kay Manila Mayor Dra. Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, bilang isang nanay ay nais nitong ayusin ang sariling pamamahay sa kanyang unang araw upang personal na makita ang ang mga dapat ayusin at dapat dispatsahin gayundin ay upang makadaupang-palad ang mga empleyado at kawani sa Manila City Hall na makakatuwang nito sa loob ng tatlong taon nitong pamumuno.

“Sa ngayon house cleaning kami. Napakaluma na ng cityhall, marami na ang dapat ayusin. Maraming nagkalat na airconditiong unit, mga sirang salamin, upuan, mga kagamitan na luma na at dapat nang dispatsahin, yun ang pinauna natin, mga temporary structure patatanggal natin para mas maluwag at mga pamamaraan para madecongest ang ilang tanggapan tulad na lamang ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) office,” ani Lacuna.

Ayon kay Lacuna, nasa mahigit 199,000 na ang nakatalang senior citizen sa Maynila pero napakaliit ng opisina nila sa cityhall kaya’t saan-saan na sila lumulugar upang mabigyan sila ng tamang serbisyo.

“Kaya naghahanap na po kami na possible na pwedeng paglagyan ng opisina ng OSCA na mas malaki,” giit ni Lacuna.

Samantala, sinabi ni Lacuna na tututukan nito sa kanyang unang 100 araw ang mga napag-iwanang proyekto ni dating Mayor Isko Moreno Domagoso tulad na lamang ng mga ipinapagawang mga pampublikong eskwelahan, Ang Bagong Ospital ng Maynila upang makatanggap na ng mga pasyente, mga susunod na ipatatayong mga pabahay, ongoing construction na mga pabahay tulad ng San Lazaro residences, Pedro Gil residence, at San Sebastian residences.

Dagdag pa ni Mayora, titingnan din nila ang pananalapi ng lokal na pamahalaang lungsod lalo na ngayong hirap na ang mga tao dulot na din sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin partikular na ang mga pagkain at krudo.

“Pag-uusapan namin ang nakabinbin na financial assistance, baka makausap ko na ang konseho ng Maynila sa pangunguna ng magsisilbing Presiding Officer na si Vice Mayor Yul Servo na kahalintulad ng CACAF (City Amelioration Crisis Assistance Fund )1 at CACAF 2 sa kasagsagan ng pandemya,” paliwanag ni Lacuna.

“Uupuan po namin kasama ang city budget officer ang isyu ng pananalapi sa lungsod upang maipagpatuloy ang mga proyekto at programa na nakalaan para sa mga Manilenyo hanggang sa matapos ang taon,” dagdag pa ni Lacuna. JAY Reyes