Manila City Jail ginalugad; mga kontrabando tumambad

Manila City Jail ginalugad; mga kontrabando tumambad

September 9, 2022 @ 12:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagsagawa ng Operation Greyhound sa Manila City Jail at nakumpiska ang ibat-ibang gamit.

Bagamat wala namang nasamsam na illegal na droga, sinabi ni JO1 Jake Jacobe, ang tagapagsalita ng Manila City Jail-Male Dormitory, na kabilang naman sa nasabat sa operasyon ay gaya ng kutsilyo at cutter, pang-ahit at toothbrush, ballpens at mga lapis, mga plais, bakal, mga basag na salamin at iba pa.

Kuha ni Crismon Heramis

Ang malakihang Operation Greyhound na ito sa Manila City Jail ay isinagawa dalawang taon makalipas na pumutok ang COVID-19 pandemic.

Katuwang ng Bureau of Jail Management and Penelogy o BJMP sa operasyon ang Manila Police District o MPD at Bureau of Fire Protection o BFP, alinsunod na rin sa utos ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos.

Sa Manila City Jail, nasa 4,701 ang mga person deprived of liberty o mga PDL sa male dormitory; habang 1,040 na PDL sa female dormitory.

Inamin naman ni Jacobe na may mga naghahagis pa rin ng kontrabado o gamit sa loob ng Manila City Jail.

Kabilang dito ang cellphones, alak na inililipat sa plastic bottles, sigarilyo at iba.

Aniya mga informal settlers ang karamihang naghahagis ng mga gamit na madalas namang sitahin ng BJMP at kanilang iniimbestigahan.

Tiniyak naman ni Jacobe na mahigpit ang inspeksyon ng lahat ng mga papasok na tao at mga gamit sa loob ng Manila City Jail upang maiwasan ang anumang pagpasok ng mga kontrabando o ilegal na mga gamit. Jocelyn Tabangcura-Domenden