Manila City Jail ginalugad

Manila City Jail ginalugad

October 21, 2022 @ 10:51 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ginalugad ng mga otoridad ang mga selda sa Bureau of Jail Management and Penology Manila City Jail sa ikinasang Greyhound Operation nitong Biyernes ng umaga.

Partikular na ginalugad ang male dormitory ng mga tauhan ng Manila City Jail katuwang ang ilang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP).

Kada kuwarto ng mga inmate ay isa-isang pinasok ng mga otoridad kung saan lahat ng lagayan, sulok, dingding at kisame ay kanialng sinuri para masiguro na walang anumang kontrabando ang nakatago rito.

Nakumpiska ng mga otoridad ang ilang mga gamit tulad ng pang-ahit, blade, ballpen, basag na salamin, electric wire, kable, kahoy, plastic cups at iba na ipiangbabawal sa loob ng nasabing piitan.

Ayon kay JO1 Elmar Jacobe ang Public Relation Officer ng BJMP-Manila, layunin ng operasyon ay para masigurong walang anomang kontrabando ang nakakapasok sa naturang piitan lalo na ang sigarilyo, alak at iligal na droga.

Aniya, buwan-buwan nilang gagawin ang greyhound operation alinsunod na rin sa utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na panatilihing malinis ang mga piitan sa mga iligal na gamit at mga kontrabando. Jocelyn Tabangcura-Domenden