Manila COVID-19 field hospital, pormal nang binuksan

Manila COVID-19 field hospital, pormal nang binuksan

June 24, 2021 @ 7:21 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – PORMAL nang binuksan ang Manila COVID-19 Field Hospital sa lungsod ng Maynila makaraang pasinayaan ito ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasabay ng ika-450 taon anibersaryo ng “Araw ng Maynila” ngayong araw.

Kasama ni Domagoso sa pagpapasinaya sina Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, Senador Christopher “Bong” Go, Executive Secretary Salvador Medialdea, DOH Sec. Francisco Duque III, MMDA Chairman Benhur Abalos, Deputy Chief Implementer and Testing Czar Vivencio Dizon, at Chief Implementer and Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez.

Sa talumpati ni Sen. Go, pinasalamatan nito ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila partikular na si Domagoso dahil malaki ang maitutulong ng itinayong Field Hospital sa Maynila upang madecongest ang mga ospital lalo na ang mga may pasyente na may sakit na COVID-19.

Bukod sa pag-decongest sa mga ospital ay malaking tulong din ito lalo na sa mga health workers dahil matututukan na nila ang kanilang mga pasyente. Aniya, hindi lamang mga taga-Maynila ang mabibigyan ng libreng serbisyo ng nasabing field hospital kundi maging ang mga pasyente na magmumula sa karatig lungsod o probinsiya.

Nanawagan na din si Sen. Go sa publiko na magpabakuna na ang mga ito lalo na ang kabilang na sa priority list dahil mas nakakatakot umano ang sakit na COVID-19 kaysa sa bakuna.

“Magpabakuna na kayo. Magtiwala kayo sa gobyerno, ginagawa ang lahat ng national government para malagpasan ang pandemya na ito,” ani Sen. Go.

Kaugnay nito, tiniyak din ni Sen. Go na lagging bukas ang kanyang opisina upang magbigay ng libreng serbisyo partikular na sa tulong medikal na kung saan may 120 Malasakit Centers na umano ang buong bansa na ang ilan ay matatagpuan sa mga pampublikong ospital sa Maynila.

“Walang pinipiling pasyente ito, basta’t poor and indulgent at Pilipino tutulungan ng Malasakit Centers,” giit pa ng Senador.

Samantala, sinabi naman ni Domagoso na simula bukas ay tatanggap na ng mga pasyente ang nasabing field hospital na nagmula sa anim na pampublikong ospital ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila.

Aniya, nasa mahigit 200 medical frontliners kabilang na ang non-medical admin personnel ang magpapatakbo 24/7 sa nasabing ospital.

Giit ni Domagoso, layunin ng lokal na pamahalaan kaya ipinatayo ang field hospital na maging COVID free ang mga pagamutan sa lungsod ng Maynila upang ang mga nais magpa-check up at makapagpagamot ng ibang sakit ay hindi na matakot na magpunta sa mga ospital.

Ang nasabing field hospital ay tututok sa mga pasyenteng may mild at moderate symptoms ng COVID-19 habang ang mga nasa critical at severe symptoms naman ay matututukan sa mga ICU ng mga ospital sa lungsod.   JAY Reyes


  •  
  •  
  •