Manila COVID-19 field hospital sa Luneta, handa nang tumanggap ng infected ROFs

Manila COVID-19 field hospital sa Luneta, handa nang tumanggap ng infected ROFs

December 31, 2021 @ 2:24 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Handa na ang Manila coronavirus disease (COVID-19) Field Hospital sa Luneta na tumanggap ng mga magbabalik bansa nating kababayan na kailangang makumpleto ang kanilang “isolation procedure” bilang hakbang sa muling pagtaas ng impeksyon dulot ng sakit na COVID-19.

Nagsagawa ng inspeksyon ngayong araw ang mga opisyal ng Department of Health at Bureau of Quarantine sa Manila COVID-19 Field Hospital kung saan inilarawan ni Health Secretary Francisco Duque ang nasabing ospital bilang isang “first class facility” na kumpleto sa lahat ng kagamitan at amenities na kailangan ng mga umuuwi na overseas Filipinos (ROFs) upang makumpleto ang kanilang isolation procedure.

Pinasalamatan naman ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sina Secretary Duque at Secretary Charlie Galvez Jr., chief implementor ng National Task Force for COVID-19, sa pagbisita sa 344-bed hospital na talagang inilaan para sa mga “mild and asymptomatic” patients.

“The Manila government will shoulder the expenses until the ROFs complete their isolation here in the Manila Field Hospital,” ani Domagoso.

“Iisang bangka tayo. Dito sa Maynila, welcome ang lahat. Sa abot ng aming makakaya, handa kaming tumulong sa ibang nangangailangan ng mga life-saving drugs gaya ng Remdisivir at Tocilizumab na maraming natulungan sa ibang lugar sa labas ng syudad,” dagdag pa ni Yorme.

Kaugnay nito, nagbabala naman si Domagoso sa mga hotel/motel sa lungsod na ginagawang quarantine facility ng pamahalaan na ipasasara niya ang mga ito kung mahuhuli na lumalabag sa mga guidelines at protocols ng Inter Agency Task Force (IATF).

Giit ni Domagoso, bagama’t gusto niyang mapadami ang negosyo sa Maynila, mapipilitan siyang ipasara ang mga ito kung hindi nakikiisa sa ginagawa ng pamahalaan at nagiging dahilan pa para mapunta sa balag ng alanganin ang kalusugan ng nakakarami.

Nag-ugat ang babala ni Domagoso dahil sa isyu ng isang babae na naka-quarantine sa lungsod ng Makati na nakalabas at nakadalo pa sa isang party.

Nabatid naman kay Health Sec. Francisco Duque na iniimbestigahan na ang naturang insidente. JAY Reyes