Manila Declaration pinaiiral ng Pinas sa Russia-Ukraine war

Manila Declaration pinaiiral ng Pinas sa Russia-Ukraine war

February 26, 2022 @ 9:11 AM 4 months ago


MANILA – Inihayag ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas na pinaiiral nito ang Manila Declaration sa nagaganap na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Binuo ng Pilipinas, Egypt, Indonesia, Mexico, Nigeria, Philippines, Romania, Sierra Leone at Tunisia ang Manila Declaration para sa mapayapang pag-aayos ng mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga bansa at inaprubahan ito ng United Nations General Assembly noong 1982.

Bilang bahagi ng non-aligned nations, sinabi ng DFA na wala umanong ibang pairalin kundi ang Manila Declaration.

Sagot na rin ito sa kahilingan ng Ukraine na manindigan ang Pilipinas laban sa Russia na naglunsad ng giyera sa huli nitong Huwebes.

Samantala, sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang mahalagang interes ang Pilipinas sa Ukraine at nakatuon ang pansin nito sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mahigit 2,000 Pilipino na nakatira sa nasabing bansa bilang mga obrero o nakapag-asawa na roon.

Napag-alaman naman mula sa DFA na marami-rami nang Pilipino ang nakatawid sa bansang Poland ngunit wala pang balita kung meron na ring nakapunta sa iba pang lugar na ligtas sa digmaan gaya mismo ng Russia.

Mahigit 60 na umanong Pilipino sa Poland habang may anim nang nakauwi sa Pilipinas.

Tinatanggap ng Poland ang mga Pilipino kahit walang papeles na dala-dala ng mga ito, ayon sa Philippine Embassy na nakabase sa nasabing bansa na nakasasakop na rin sa Ukraine. Fred Cabalbag