MANILA LGU HANDANG HARAPIN ANG KASO SA PAGBEBENTA NG LUPA SA DIVISORIA MALL

MANILA LGU HANDANG HARAPIN ANG KASO SA PAGBEBENTA NG LUPA SA DIVISORIA MALL

March 29, 2022 @ 7:39 AM 3 months ago


TINIYAK ni Manila City Administrator Felix Espiritu na handa silang harapin ang anomang kaso ang nais isampa laban sa kanila hinggil sa ligalidad ng pagbebenta ng may 8,000 metro-kuwadradong loteng kinatatayuan ng Divisoria Mall.

Paliwanag ni Espiritu, dumaan sa tamang proseso ang pagbebenta ng lupang kinatitirikan ng mall at makatuwiran ang halaga ng lupa na idinaan sa pasubasta na napagwagian ng Festina Holdings.

Napilitang ibenta ng lungsod ng Maynila ang patrimonial property sa kasagsagan ng pandemyang dulot ng COVID-19 noong 2020 para makalikom ng sapat na pondo para sa pagpapamahagi ng ayuda sa mga residente ng lungsod, pagpapatayo ng ospital at karagdagang gamit para rito, pagbili ng gamot kontra sa virus at pamamahagi ng mahigit 700,000 food box kada buwan sa mga mamamayan.

Mismong ang Asset Management Committee ang nagrekomenda ng pagbebenta ng lupang Divisoria Mall bunga ng maliit na kinikita rito ng lokal na pamahalaan mula nang pumasok sa kontrata ang pamahalaang lungsod sa pamumuno noon ni Mayor Mel Lopez, Jr. sa Linkworld Construction na magde-develop ng Divisoria Mall matapos itong masunog noong taong 2013.

Nilagdaan ang kontrata sa pagitan ng Linkworld Construction and Development Corporation at Lungsod ng Maynila noong Marso 13, 1992 sa loob ng 25-taon. Sa mahigit 25-taon, kumita lang ang Maynila ng halos P58 milyon o P3M  kada taon, gayung naitayo ng developer dito ang Divisoria Mall na parking space ang basement nito.

Nang maibenta ang lupa, ang Commission on Audit, sa ilalim ng kanilang Technical Services Office ang naglabas ng ulat na maayos at rasonable ang pagbebenta rito sa nagwaging bidder ng Festina Holdings Inc. habang pinakiusapan din ng lokal na pamahalaan ang winning bidder na huwag paalisin ang vendors sa pampublikong pamilihan.

Nakipagpulong din si Espiritu sa stall owners ng Divisoria Public Market na nasa basement ng mall upang pag-usapan ang kanilang paglipat ng pwesto sa itinatayong Pritil Public Market subalit tumanggi ang mga ito at hiniling na sa kalsada sa labas ng mall sila makakuha ng puwesto na hindi tugma sa panuntunan ni Mayor Isko Moreno Domagoso na ibalik ang lansangan sa tao.

Nilinaw ni Espiritu na walang katotohanan na pinalayas na sa kanilang puwesto ang vendors kahit pa nga hindi sila nagbabayad ng renta sa Festina Holdings at maging ng kanilang business permit bagama’t binalaan sila na kung patuloy na magmamatigas na bayaran ang mga pagkakautang, mapipilitan silang paalisin sa puwesto.

Maayos aniya ang pag-uusap nila ng vendors noong 2020 kaya nagulat na lang siya ng may lumutang na magsasampa umano ng kaso laban kay Yorme dahil sa pagbebenta ng propriedad na itinaon sa panahon ng halalan.

Naniniwala si Espiritu na may bahid-pulitika ang paninira at bantang pagsasampa ng kaso ng ilang stall owner na hindi nakapagbabayad ng renta habang 70% ng mga may puwesto ang sumusunod naman sa tamang proseso at nagbabayad ng tamang buwis. Naglabas ng paunawa o notice ang lokal na pamahalaan upang ilahad ang katotohanan sa pagbebenta ng lupang kinatitirikan ng Divisoria Mall bunga ng mga maling paratang laban kay Mayor Isko, sa buong konseho at mga opisyal na sumuring mabuti sa nangyaring bentahan na kapaki-pakinabang sa lungsod ng Maynila.

Sa inilabas na notice, nakasaad na walang intensyon ang lokal na pamahalaan na sirain ang reputasyon ni dating Mayor Mel Lopez, Jr. sa paniwalang malinis ang kanyang intensyon sa pagpasok sa kontrata.

Gayunman, ang malisyoso at walang katotohanang akusasyon ng isa sa mga anak ng dating alkalde ang dahilan upang maglabas ng paunawa ang lungsod hinggil sa hindi wastong kontratang pinasok ng dating alkalde.