Manila LGU may panawagan mga pipila sa 24/7 drive-thru booster vaccination caravan sa Luneta

Manila LGU may panawagan mga pipila sa 24/7 drive-thru booster vaccination caravan sa Luneta

January 15, 2022 @ 11:16 AM 4 days ago


Manila, Philippines – Nanawagan ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga nais pumunta sa 24/7 drive-thru booster vaccination caravan sa Quirino Grandstand sa Luneta na ihanda na ang kanilang waiver form o QR code ng kanilang “pre-online registration” upang mapabilis ang proseso ng kanilang pagbabakuna.

Nabatid sa Manila Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na pinamumunuan ni Director Arnel Angeles, bumabagal umano ang proseso ng pagbabakuna sakaling hindi pa nakarehistro sa www.manilacovid19vaccine.ph ang mga nais magpabakuna sa nasabing drive-thru vaccination dahil sa mismong pila pa lamang sila naipaparehistro.

Napag-alaman sa MDRRMO na mula nang iutos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na gawing “walang tulugan” o 24/7 ang nasabing drive-thru vaccination sa Quirino Grandstand ay umabot na sa 3,828 indibidwal ang nakatanggap na ng kanilang booster shot na may katumbas na 1,773 sasakyan (4 wheels) batay sa pinakahuling datos ngayong alas-6 ng umaga.

Pinasalamatan naman ni Domagoso ang mga miyembro ng MDRRMO sa kanilang pagsisikap na mabakunahan ang pangkalahatang publiko.

“Alam ko na mahirap itong pinapagawa ko sa inyo, kaya I went here to thank you personally. Tyagain niyo lang, tiisin na natin ito, para sa Maynila, para sa tao, para kahit na kanino, para sa pamilya ninyo,” ani Domagoso.

“Our goal is mabawasan o mapaliit yung porsyento ng may mamatay. Wala na tayong magagawa sa impeksyon, pero may magagawa tayo na maproteksyunan ang tao,” dagdag pa ni Domagoso na isa sa mga kumakandidato sa pagka-Pangulo ng bansa sa ilalim ng partido Aksyon Demokratiko.

Sinabi pa ni Yorme na ang patuloy na pagsisikap ay dapat gawin upang mailigtas ang maraming buhay hangga’t maaari, at sa lalong madaling panahon.

“Kailangan talaga natin bilisan ang kilos. Kailangan natin magbigay ng tunay na solusyon. Kailangan natin bilisan ang aksyon,” giit pa ni Domagoso.

Ayon naman kay Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje, tuloy-tuloy ang isinasagawang drive-thru vaccination sa Quirino Grandstand kung saan kahit napakahaba ng pila ay mabilis naman ang usad nito.

Nabatid na nasa halos sampung minuto lamang ang itinatagal ng pagbabakuna sa kada sasakyan.

Dagdag pa ni Viaje, umaabot na umano sa Kalaw Avenue ang dulo ng pila kaya’t magbaon umano ng mahabang pasensiya ang mga nais magpabakuna dahil para na rin umano ito sa kanilang kaligtasan gayundin sa kaligtasan ng kanilang mga mahal sa buhay.   JAY Reyes