Manila LGU nakahanda na sa COVID vaccination vs edad 5-11

Manila LGU nakahanda na sa COVID vaccination vs edad 5-11

January 27, 2022 @ 3:45 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Handa na ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na mamahagi ng bakuna kontra COVID-19 para sa mga menor de edad mula 5 hanggang 11 taong gulang sakaling maglabas na ng “go signal” ang Department of Health at ang National Task Force Against Covid-19 na inaasahang ipatupad sa susunod na linggo.

“Nakahanda na po ang inyong pamahalaang lungsod sa pagbabakuna ng ating mga kabataan na may edad 5 hanggang 11 taong gulang. We are just awaiting word from the DOH as to our schedule in Manila, kung kailan nila kami bibigyan ng mga bakuna para sa mga bata,” saad ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang “special report” sa kanyang social media page.

Una nang inanunsiyo ng NTF na ang pagbabakuna para sa mga nasabing edad ay magsisimula sa Pebrero 4.

Gayunman, hindi pa tiyak ni Domagoso kung gaano karaming mga bata ang maaaring tanggapin kada araw dahil ito ay depende sa mga supply ng bakuna, partikular na binuo para sa pangkat ng edad na ito, na magmumula sa DOH.

Muling hinimok ng 47-anyos na presidential aspirant ang mga magulang at tagapag-alaga ng mga bata sa loob ng pinapayagang edad na maiparehistro sila sa pamamagitan ng online vaccine registration site ng lokal na pamahalaan nahttps://manilacovid19vaccine.ph.

“Bilang paghahanda ay kayo po ay iniimbitahan ko na magparehistro na ng inyong mga anak na may edad 5 hanggang 11 taon sa ating Manila Covid-19 site para nang sa ganun, ‘pag dineploy na ang mga vaccines, mabilisang bakunahan ang magaganap,” ani Domagoso.

“So huwag po tayong mangamba. We were assured that the vaccine would be safe. Mas delikado kung walang bakuna,” giit pa ni Domagoso.

Habang hinihintay ng pamahalaang lungsod ang go signal mula sa NTF, sinabi ni Domagoso na patuloy pa rin ang pagbabakuna sa target na populasyon, kabilang na ang mga menor de edad na edad 12 hanggang 17 taong gulang.

Nabatid kay Domagoso, sa pinakahuling ulat ay nasa kabuuang 248,274 na menor de edad ang nabakunahan. Sa mga ito, 135,124 na menor de edad ang nakakuha ng kanilang mga unang dose habang kabuuang 113,150 ang ganap na nabakunahan.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang bakunahan sa lungsod ng Maynila tulad na lamang ng 24/7 drive-thru booster shot caravan para sa 4 wheel na sasakyan sa Quirino Grandstand; drive-thru booster shot para sa mga rider ng 2 wheel na motorsiklo at bisikleta sa Kartilya ng Katipunan, drive-thru vaccination facility para sa mga PUV drivers sa Bagong Ospital ng Maynila, gayundin ang mga bakunahan sa community health centers, Malls at mga pampublikong eskwelahan sa lungsod ng Maynila.

Bukod pa dito ang ginagawang “door-to-door vaccination” ni Manila Vice Mayor Dra. Honey Lacuna-Pangan para sa mga senior at bedridden citizens sa iba’t ibang panig ng lungsod.  JAY Reyes