Manila LGU nanawagan sa mga pasaway na trike driver

Manila LGU nanawagan sa mga pasaway na trike driver

January 27, 2023 @ 7:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan ang lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga tricycle driver na naghahanap-buhay sa pamamasada sa Maynila na ayusin na ang kanilang mga dokumento para sa pagkuha ng prangkisa ng ipinapasada nilang sasakyan.

Sa pagdalo ni Manila Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto nitong Biyernes ng umaga sa muling paglulunsad ng “Balitaan sa Tinapayan” na ginanap sa Tinapayan Festival Bakeshoppe sa kanto ng Dapitan at Don Quijote Streets, Sampaloc, sinabi nito na hihilingin niya kay Mayor Honey Lacuna-Pangan na bigyan pa ng palugit ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) para ayusin ang kanilang dokumento upang makakuha ng prangkisa, pati na rin maging ang kanilang lisensiya sa pagmamaneho.

Aminado ang bise alkalde na maraming pasaway na tricycle driver sa lansangan na hindi sumusunod sa batas trapiko para lamang mapabilis ang paghahatid nila ng pasahero.

Dahil dito, nanawagan si Vice Mayor Yul Servo sa mga tricycle driver na ayusin na ang mga kinakailangang dokumento dahil ito naman ang kanilang pinagkakakitaan para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya.

“Kaya mga kababayan, mga batang Maynila, huwag ng kayong pasaway. Kung kailangan ninyong kumuha ng lisensiya, kumuha na kayo, kung kailangan ninyong magpa-rehistro ng inyong tricycle, iparehistro nyo para hindi kayo nagagambala kasi isang araw lang na hindi kayo makapagtrabaho, ang laking perhuwisyo na sa inyo yun,” panawagan ni Vice Mayor Yul.

Gayunman i onahagi naman ng bise alkalde na may ilang mga trike drivers ang nakakapagpatapos ng pag-aaral sa kanilang mga anak na kalaunan ay nagiging matagumpay na doktor o arkitekto habang ang iba naman ay minamana lang ng kanilang mga anak ang kanilang trabaho.

“Yung mga kababayan natin na nasa ganoong sitwasyon, dapat i-improve din natin ang pamilya natin para sa atin ding mga anak. Kasi meron naman tayong libreng eskuwelahan, meron tayong Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) meron tayong Universidad De Manila (UDM), me 100-plus tayong paaralan para sa elementarya at high school,” dugtong pa ng bise alkalde.

Nauna rito, dumaan muna sa muling paglulunsad ng Balitaan sa Tinapayan si Mayor Honey Lacuna-Pangan upang dumalo sa pagbabasbas at pangunahan ang ribbon cutting ceremony bago umalis patungo sa kanyang naunang pinangakuang kaganapan. JAY Reyes