Manila North Cemetery dinagsa ng publiko; ilang bisita napagsarhan

Manila North Cemetery dinagsa ng publiko; ilang bisita napagsarhan

October 31, 2022 @ 7:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Isang araw bago ang All Saints Day, dumagsa ang mga bibisita sa Manila North Cemetery ngayong araw, Lunes.

Umabot sa 10,000 ang crowd estimate ngayong araw kung saan marami pa ring humahabol na makapasok bago ang pagsasara ng sementeryo ng alas-5 ng hapon.

Bagamat’ paulit-ulit ang paalala ng pamunuan ng MNC at nang lokal na pamahalaang lungsod, marami pa rin ang nagsama ng kanilang mga anak na 12 pababa o mga baby kaya naman na sila nakapasok pa.

Mayroon ding may kasamang alagang aso na hindi rin pinapasok gayundin ang mga may bitbit na pagkain.

Inaasahang bukas, Nov. 1 at sa Nov. 2 ay mas dadami pa ang bibisita sa sementeryo na ayon sa pamunuan ng MNC ay posibleng domoble ang bilang dahil na rin sa ilang araw na pagsasara nito bunsod ng bagyong Paeng.

Bukod pa rito,maraming nasabik na makapunta ng sementeryo dahil dalawang taon na hindi pinayagan ang publiko para sa paggunita ng Undas dahil sa pandemya.

May nakakalat namang mga tauhan ng Manila Police District (MPD), NDRRMO, DPS at iba pang force multipliers sa loob at labas ng sementeryo upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa MNC.

Samantala, nadismaya ang ilang mga nagtungo sa MNC ngayong hapon na hindi pinayagang makapasok matapos maabutan ng pagsasara ng entrada. Jocelyn Tabangcura-Domenden