Manila North Cemetery naghahanda na sa Undas

Manila North Cemetery naghahanda na sa Undas

September 30, 2022 @ 5:01 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naghahanda na ang pamunuan ng Manila North Cemetery para sa muling pagbabalik ng tradisyunal na paggunita ng Undas.

Ayon kay Roselle Castaneda, hepe ng MNC, batay sa kanilang inilatag na kalendaryo, simula bukas Oktubre 1 hanggang Oktubre 25 ay bukas ang MNC mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon para sa mga maglilinis o magpipintura ng mga puntod ng kanilang mahal sa buhay.

Hanggang Oktubre 28 naman papayagan ang libing at cremation upang bigyan daan ang pagdagsa naman ng tao na magtutungo sa sementeryo sa Undas.

Ayon kay Castañeda, bubuksan sa publiko ang Manila North Cemetery mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 sa ganap na alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Gayunman, mahigpit na paalala ni Castañeda na bawal ang “overnight” sa sementaryo tulad ng nakagawian.

Paalala pa nito, ang mga bibisita sa sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 ay dapat “fully vaccinated” o ganap nang bakunado kontra COVID-19 at may booster shot dahil may banta pa rin ng virus.

Papayagan ding makapasok ang mga
senior citizen, pero bukod tanging bawal ay mga batang 12-anyos pababa.

Obligado rin ang lahat na magsuot ng face mask, kahit sabihing nasa labas.

Sinabi ni Castañeda na mainam na rin na maagang mag-anunsyo para alam ng publiko ang mga detalye ng Undas 2022.

Kinumpirma rin ng opisyal na bawal ang mga vendor sa loob ng sementeryo, maliban sa mangilan-ngilang nagbebenta ng bulaklak.

Maalala na noong pumutok ang COVID-19 pandemic, isinara ang mga sementeryo sa panahon ng Undas, bilang pag-iingat sa virus. Jocelyn Tabangcura-Domenden