Manila Zoo, binuksan na!

Manila Zoo, binuksan na!

November 21, 2022 @ 3:23 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo-Nieto ang muling pagbubukas ng Manila Zoological and Botanical Garden o mas kilala na Manila Zoo sa Malate ngayong araw ng Lunes, Nobyembre 21.

Sa muling pagbubukas ng nasabing Zoo, muling nanawagan si Mayor Lacuna-Pangan sa mga bibisitang senior citizen, immunocompromised, at may comorbidities na magsuot pa din ng kanilang facemask.

“Optional na po kase ang pagsuot ng facemask, malawak naman ang Manila Zoo and I’m pretty sure na hindi magsisiksikan ang mga tao sa loob. Sa ngayon po medyo nililimit muna namin sa mga papasok na mga tao para mapag-aralan naming ang capacity talaga,” ani Mayor Lacuna-Pangan.

Nabatid naman na kumpiyansa ang alkalde dahil itinaas na ang bayarin sa pagpasok sa Manila Zoo, makakaya ng sustentuhan ang gastusin sa pagmimintina at pag-aalaga sa mga hayop, dahil bukod sa entrance fee ay mayroon pa silang mga concessionaires o mga may-ari ng stall sa loob na magbabayad ng kaukulang upa.

Kaugnay nito, napag-alaman na pasado na sa Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang ordinansa na magtatakda sa araw ng Miyerkules na libreng makakapasok sa Manila Zoo ang mga Senior Citizen na residente sa nasabing lungsod.

Ito ang ibinahagi ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, kung saan ipatutupad ito sa oras na lagdaan ng Alkalde ang nasabing ordinansa.

Nilinaw din ni Atty. Abante ang itinakdang ‘entrance fee’ sa bagong Manila Zoo kasunod ng mga reklamo at panawagan na gawing mas mura ito.

Sa panayam ng grupo ng Manila City Hall Press Club kay Atty. Princes Abante, dapat aniyang maintindihan na may upkeep ang zoo.

“Kahit kayo may mga pets na aso o pusa alam nyo kung gaano kamahal mag-alaga,” saad ni Atty. Abante.

“We need to make sure na mamaintain yung upkeep, yung ganda ng Manila Zoo and number two napakamahal mag-alaga ng mga hayop, magagandang mga hayop ang nakuha natin ngayon,” dagdag pa niya.

Pagdating naman sa mga field trips, posible aniyang may arrangements pero sa ngayon sa ilalim ng ordinansa ay P150 para sa Manilenyo, bata at adult, P300 para sa non-Manilans, ang mga estudyante ay may discount ng P100 para sa Manilans, magiging P200 na lamang para sa non-Manilans, 20% discount para sa senior para sa parehong rates, at ang mga bata na 2 feet below ay libre

Samantala, pinaalalahanan naman ni Manila Zoo Public Recreation Bureau Officer-in-Charge (OIC) Director Pio Morabe na ipinagbabawal sa mga bibisita ang magdala ng pagkain at inumin dahil naging ugali ng ng iba na ipakain sa mga hayop ang hindi nila nauubos na pagkain na nagiging dahilan ng pagkakasakit ng mga hayop.

Kuntento naman ang Alkalde sa mga ipinakitang kahandaan ng mga tagapamahala ng Manila Zoo, pati na ang makabagong pamamaraang dapat gawin ng mga nais bumisita tulad ng maagang pagre-rehistro at pagbabayad sa online upang maiwasan ang pagsisiksikan sa pagbabayad pagpasok pa lamang sa loob. JAY Reyes