Manila Zoo bubuksan sa publiko bilang vaccination site

Manila Zoo bubuksan sa publiko bilang vaccination site

January 18, 2022 @ 7:12 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Magbubukas nang muli sa publiko ang bagong Manila Zoo kung saan maaaring makapagbakuna ang mga menor-de-edad at nakatatanda simula bukas (Enero 19).

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa ginanap na pulong balitaan, hindi lamang makakapasyal ang mga nais na bumisita dito kundi maaari din silang makapagbakuna kontra COVID-19 simula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.

Sa mga edad 12 hanggang 17 anyos ay maaari silang makapagpabakuna ng 1stat 2nd dose vaccination habang ang mga nakatatanda kabilang na ang mga senior citizen ay maaaring makapagpabakuna ng kanilang booster shot.

Paalala naman ni Domagoso na walang “walk-in” sa Manila Zoo dahil ang mga nais na pumasyal dito ay dapat magpaparehistro muna sawww.manilazoo.ph upang makakuha ng kanilang QR code.

Ang mga magpapabakuna naman ay dapat dumaan din sa “pre-online registration” nawww.manilacovid19vaccine.ph upang magkaroon ng kanilang QR code.

Ayon pa kay Domagoso, lilimitahan lamang ang maaring makapasok sa Manila Zoo kung saan hanggang 1,000 indibidwal lamang upang mapanatili ang physical distancing na kabilang sa mga ipinatutupad na health protocols.

Pinakiusapan din ng Alkalde ang mga mamamasyal sa Manila Zoo na maging masinop at itapon sa tamang sisidlan ang kanilang mga baon na pinagkainan upang mapanatili ang kalinisan ditto.

Napili ng Alkalde ang Manila Zoo na vaccination site para sa mga minors at elderly upang makapamasyal mga bata at mga lola, makalanghap ng sariwang hangin, makapamasyal at makapagsama-sama ang bawat pamilya nang walang gastos sa entrance.

Samantala, sinabi naman ni Domagoso, na isa sa mga kumakandidatong Pangulo sa darating na 2022 national election, na bukod sa Manila zoo ay tuloy-tuloy ang ginagawang bakunahan ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila kabilang na dito ang drive-thru sa Ospital ng Maynila para sa mga PUV drivers, Kartilya ng Katipunan na para naman sa mga riders ng motorized at non-motorized 2 wheel vehicle, sa Quirino Grandstand na 24/7, mga health centers, district hospitals, malls at mga community vaccination sites sa lungsod.

Layon niya ng lokal na pamahalaan na mabakunahan ang mas marami nating kababayan bilang dagdag proteksyon lalo na ngayong panahon ng pandemya. JAY Reyes