Manila Zoo, muling ikinandado sa rehabilitasyon

Manila Zoo, muling ikinandado sa rehabilitasyon

June 1, 2022 @ 7:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Sarado na muli ang Manila Zoo ngayong Miyerkules para sa pagsisimula ng panibagong rehabilitasyon nito.

Ikinakasa na ang minor retouch sa pintura sa mga dingding at signages, at may wine-welding din na mga bakal sa loob ng zoo.

Napagdesisyunan ng pamunuan ng zoo na pansamantalang isara ito sa publiko para matiyak ang kaligtasan ng lahat habang isinasagawa ang rehabilitasyon, ayon kay Alipio Morabe Jr., officer-in-charge ng public recreation bureau ng siyudad.

Base kay Morabe, pangunahing dahilan ng rehabilitasyon ang pagkakaroon ng sewage treatment plant sa lugar. Pangalawa ay ang paglalagay ng mangroves sa lagoon, at pangatlo ay ang pagsasaayos ng outdoor spaces ng zoo. 

“Itsi-check natin ang enclosures kung talagang safe sa mga tao, ‘yung savanna maglalagay tayo ng trees para magkaroon ng shape ‘yung ating herbivore animals, ‘yung ating outdoor reptiles aayusin din ang filtration ng kanilang pond, maglalagay din ng koi pond so marami pa tayong aayusin,” patuloy niya.

Tina-target nilang tapusin ang rehabilitasyon sa loob ng isang buwan at pinaghahandaan na rin anila ang grand opening ng zoo sa Hulyo.

Makakaasa umano ang publiko na sa muling pagbubukas ng Manila Zoo ay mas marami itong atraksyon, madaragdagan ang mga hayop, may museum, mga garden, at marami pang iba.

Subalit sa muling pagbubukas ng zoo, hindi na umano libre ang entrance fee habang may discount naman ang mga PWD at senior citizens. RNT/SA