MANIOBRA SA 1B SHABU  AT PAGSIRA AGAD NITO

MANIOBRA SA 1B SHABU  AT PAGSIRA AGAD NITO

October 13, 2022 @ 5:12 PM 2 months ago


MUKHA o prente ng pamahalaan ang mga pulis sa publiko.

‘Yun bang === ang mga pulis ang direktang nakikisalamuha sa mga mamamayan sa lahat ng barangay.

Kung ano ang imahe ng mga pulis, gayundin ang imahe ng pamahalaan sa mga mamamayan.

Kung iskalawag ang mga pulis, iskalawag din ang pagtingin ng mga mamamayan sa gobyerno.

Kung tapat sa tungkuling prumotekta at magsilbi ang mga ito sa taumbayan, gayundin ang tingin ng madla sa gawain ng pamahalaan.

P6.7 BILYONG DROGA

Tinatalakay natin, mga Bro, ang relasyon ng pamahalaan at mga pulis sa mga mamamayan kaugnay ng kasasakoteng P6.7 bilyong halaga ng shabu sa Tondo, Maynila at si MSgt. Rodolfo Mayo na pinaniniwalaang sangkot dito.

Sakaling sa huling araw ay mapatutunayang ninja cop itong si Mayo na miyembro pa mandin ng Philippine Drug Enforcement Agency, anak ng tokwa, sira ang imahe ng pamahalaan sa kanya bilang iskalawag.

Bagama’t pinaniniwalaang galing pa sa China ang droga, tinitingnan na rin ng mga imbestigador kung may naihalong mga kumpiskado mula sa giyera sa droga at kasama sa kinakalakal nina Mayo.

Dahil na rin sa pangyayari, mga Bro, sinasabi mismo ni Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin na susuyurin nila ang kapulisan at alamin kung may iba pang sangkot na pulis.

Saludo tayo, mga Bro, sa pagiging seryoso ni Gen. Azurin at abangan na lang natin ang mga susunod na kapitulo at bersikulo dito.

WALANG NAKATITIYAK SA KASO

Batay sa takbo ng hustisya, mga Bro, walang nakatitiyak kung ano ang kahihinatnan ng kaso ni Mayo.

Bakit?

Sa huling mga balita, cooperative naman umano itong si sarhento.

At katunayan nga, napili na rin itong best police sa giyera sa droga at wala pa umano itong kinasasangkutang kaso sa usapin.

Hindi kaya malilibre ito sa kaso at ang iba ang madidiin?

Tingnan ninyo, baka may magtulak ng paniniwalang undercover agent o lihim na ahente siya laban sa mga sindikato sa droga at ang pagkakadiskubre ng isang toneladang shabu ang bunga ng kanyang trabaho.

Kapag ipinasok sa korte ang kaso, wala rin kayang magtulak sa kanya bilang pangunahing state witness?

At kung ganun, mawawalan ng kaso si Mayo?

Paano kung sa matutukoy na mga pulis na kasabwat sa kasong ito, eh, magiging state witness din?

SIRAIN AGAD ANG DROGA

Sisilipin pa umano ng PNP kung may nahalong kumpiskadong shabu sa nasakoteng 1 toneladang shabu kina Mayo at isang nahuling kasama nito.

Alalahanin na napakaraming kilo-kilo o daan-daang kilong shabu na nakumpiska sa nakalipas na mga buwan na kasama ang PDEG sa mga operasyon dito kaya may posibilidad nga na magkatotoo ito.

Hindi ba pupwedeng sirain agad ang mga bulto ng mga nakukumpiskang droga at mag-iwan na lang ng kaunting ebidensya na ipakikita sa korte pagdating ng paglilitis?

Ito’y para maiwasan ang pagbabalik sa merkado ng drogang kumpiskado at mapigilan ang tukso sa hanay ng mga pulis na manghulidap at mambaboy sa giyera sa droga.