Manila, Philippines – Ipinasususpinde ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang manual recount sa mga nakitang mga basang balota sa presinto sa Iloilo na kasama sa electoral protest sa pagitan nina Vice President Leni Robredo at Dating Senador Bongbong Marcos.
Sa anim na pahinang resolusyon na may petsang July 10, 2018, ang manu-manong pagbibilang ng boto mula sa Clustered Precinct No. 22 sa Barangay Puerto Princesa sa Bayan ng Barotac Viejo sa Iloilo ang partikular na pinatitigil ng PET.
Iniutos din ng PET na gamitin na lamang sa pagbibilang ang decrypted image ng balota mula sa nasabing clustered precinct.
Samantala, hiningan din ng PET ng paliwanag ang Municipal Treasurer ng Barotac Viejo na may kustodiya sa ballot boxes kaugnay ng nawawalang minutes of voting at election return mula sa Clustered Precinct Number 29 sa Barangay San Francisco, pati na ang problema sa selyo at malaking bitak sa ballot box mula sa nasabing lugar.
Pinagpapaliwanag din ng PET sa loob ng sampung araw ang isa sa mga head revisor na si Princess Bometivo kaugnay ng naiwan na isang piraso ng Voters Verification Receipt (VVR) sa ilalim ng kanyang lamesa aat kung bakit hindi siya dapat alisin bilang head revisor dahil sa kapabayaan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)