Manuel napikon sa pagsawsaw ni Cardema sa Kabataan event

Manuel napikon sa pagsawsaw ni Cardema sa Kabataan event

October 2, 2022 @ 8:12 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagkainitan si Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel at National Youth Commission Chair Ronald Cardema tungkol sa mga isyu ng kabataan kasabay ng Pandesal Forum nitong Sabado, Oktubre 1.

Habang nasa forum, tinawag ni Manuel si Cardema na bastos dahil nag-gate crash ito at hindi imbitado.

“Nandito tayo ngayon para ipahayag ang mga saloobin ng kabataan pero merong nang gate crash dito,” ani Manuel.

Bago pa rito ay kinalampag na rin niya si Cardema na magbitiw na sa pwesto dahil sa di-umano ay mga corrupt practices at hindi maayos na paggamit ng pondo ng komisyon.

“Kayo lang nagsabing kurakot ang NYC,” pagtatanggi ni Cardema.

Maliban dito, ang nagpainit pa lalo ng ulo ni Manuel ay nang magsalita na ang NYC chair ng mga tunay umanong problema ng kabataan tulad ng recruitment para maging NPA.

“Ang number one na problema ng kabataang Pilipino sa aking palagay ay yung nire-recruit ang kabataang Pilipino papunta sa NPA. Para pumatay ng pulis, sundalo… mga kabataan na nire-recruit para labanan ang gobyerno,” dagdag pa ni Cardema.

“Bakit sa dami ng nire-recruit na NPA kabataang Pilipino ‘di kinokondenang deretcho ng Kabataan party?” dagdag niyang tanong.

“This is an example of how a government official does not understand the reality of rebellion in our country. Dapat magpaturo po siya sa mga academicians tungkol sa rebellion,” tugon naman ni Manuel.

“Dapat po pinagiiba natin yung terrosismo. Iba po ‘yan sa rebellion at iba rin po iyon sa aktibismo,” dagdag pa niya.

Sa kabila nito, nagkaayos naman ang dalawa sa pagtatapos ng debate at nagkamay ang mga ito. RNT/JGC