Manugang pinaputukan; biyenan, arestado sa Bulacan

Manugang pinaputukan; biyenan, arestado sa Bulacan

August 1, 2022 @ 4:09 PM 7 days ago


Bulacan- Arestado ang 47-anyos na lalaking vendor matapos magbanta, magpakita at magpaputok ng baril sa harapan ng manugang niya sa San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang suspek na si Edwin Francisco, residente ng Paradise 1, Brgy. Tungkong Mangga.

Sa report ng SJDM police, nangyari ang insidente bandang alas-8:40 ng gabi nitong Hulyo 31 sa nabanggit na lugar.

Ayon sa report, tumawag sa kanila para humingi ng saklolo ang isang ginang na nagsabing nagpakita ng baril ang kanyang biyenan at nagbantang papatayin siya.

Dahil dito, rumesponde ang mga pulis sa lugar para beripikahin ang sumbong hanggang sa makita nila ang suspek at nahulihan ng cal .38 na may tatlong bala kaya ito inaresto.

Sinabi pa ng biktima na nitong nakaraang mga araw lang ay nagpaputok ng baril ang kanyang biyanan sa kanyang harapan kaya tuluyan na itong nagreklamo sa pulisya.

Nahaharap ang suspek sa kasong Grave Threat at Illegal Possession of Firearms. Dick Mirasol III