MAPAGPALANG 2022

MAPAGPALANG 2022

January 3, 2022 @ 12:56 PM 7 months ago


BAGONG Taon na naman. Sa simula ng bagong taon, halos lahat ng tao sa mundo ay punompuno ng pag-asa sa buhay na umaasang mas mabiyaya at mas matagumpay ang kapalaran sa bagong taon.

Ang ilan pa sa mga tao ay gumagawa ng tinatawag na “New Year’s Resolution” na talaan ng mga iiwasang bagay o nakaugaliang hindi maganda sa nakaraang taon. Kasunod naman ang pagtala rin ng mga tamang plano na gagawin para sa magandang buhay sa bagong taon.

Datapwa’t karamihan sa gumagawa ng resolusyon sa bagong taon ay sa umpisa lamang magaling ngunit habang tumatagal ay nakakalimutan na ang mga resolusyong dapat at hindi dapat gawin at bumabalik na sa dating gawi o buhay.

Sa pagpasok din ng bagong taon ay asahan na rin na marami sa ating mga kababayan ang sasangguni sa mga fortune teller, sa mga feng shui expert at bumibili mga bagay na diumano’y pampaalis ng malas at nagbibigay ng swerte sa kapalaran ng buhay.

Ang mga bagay at gawaing ito ay kinagisnan na ng ating mga ninuno at parte na ng ating mayamang kultura na naipapasa sa bawat henerasyong dumaraan hanggang sa kasalukuyang panahon.

Datapwa’t ang inaasam na pag-asa sa pagsapit ng bagong taon ay huwag nating laging iasa lang sa pagsusulat ng mga new year’s resolution, pagsangguni sa mga fortune teller, sa mga feng shui expert at sa mga bagay na diumano’y pampaalis ng malas at nagbibigay ng swerte o kapalaran.

Ayon nga sa matandang kasabihan,  “Nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa”  kaya ang nararapat na unang gawin kapag bago ang taon ay manalangin at humingi ng gabay ng Diyos Ama sa langit. Pangalawa, humingi ng kapatawaran sa Panginoong Hesus sa mga pagkakamali at pagkakasalang nagawa sa loob ng nakaraang taon, at pangatlo, humingi ng tulong at gabay sa Banal na Espiritu na protektahan at pagpalain sa loob ng isa na namang taon.

Walang malas at laging may biyaya kung tanging sa Diyos lamang mananalangin at magtitiwala. Ang pananalangin at pagtitiwala ay nararapat na lagi ring lalakipan ng kilos at gawa sapagkat ang biyaya ay hindi lalapit kundi ito ay hinahanap at pinagtatrabahuhan.

Muli, mapagpalang bagong taong 2022 po sa inyong lahat.