MAPAGPANGGAP NA HUMAN RIGHTS DEFENDERS

MAPAGPANGGAP NA HUMAN RIGHTS DEFENDERS

March 3, 2023 @ 1:25 AM 3 weeks ago


PATULOY ang pagpapanggap nitong mga nagpapakilalang grupo ng Human Rights Defenders, sagad sa buto ang kanilang galit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sarado ang kanilang mga isipan sa puntong, dapat na imbestigahan ang mga pagpatay raw ng mga tropa ng pamahalaan sa ilalim noon ng Administrasyong Duterte sa kampanya nito laban sa iligal na droga.

Hindi iniisip na sa pamamayagpag ng mga sindikato ng iligal na droga, libo rin ang namatay, nagpakamatay at napatay nang dahil sa paggamit ng mga bawal na gamot.

Bakit hindi nila sabihin sa International Criminal Court na imbestigahan din ang mga ‘drug cartel’ na talagang pinagmumulan ng problema sa iligal na droga? At ang mga pagpatay sanhi nito?

Maaaring, sabihin din nila sa ICC na simulan nito ang pagiimbestiga sa mga sindikato o drug cartel sa Mexico, Colombia, South Africa at Triads na tinatawag.

O kaya naman sabihin ng mga mapagpanggap na advocacy groups na ito sa ICC na imbestigahan din ang malawakang sindikato ng human trafficking na siyang dahilan ng pagkamatay ng karamihan sa kanilang mga biktima sa buong mundo.

Bakit kailangang si Tatay Digong na buong ‘bayag’ ay tinaya para lang mawala o mabawasan ang iligal na droga sa bansa?

Walang karapatan ang ICC na sabihin sa ating mga Filipino kung paano natin mapoprotektahan ang lahat sa salot ng iligal na droga. Ang mga mapagpanggap na ito ang dapat na imbestigahan sa tunay nilang motibo sa paghabol kay dating Pangulong Duterte.

Sa katotohanan, ang mga ‘advocacy group’ na ito ay bukod sa walang naitulong sa kampanya laban sa iligal na droga ay wala rin nagawa o’ nangawa sa mga pagpatay din ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.

Baka naman, namimili lang sila ng laban? Kung, talagang may ipinaglalaban nga sila?

Kahit anoman ang kanilang motibo at plano, iisa lang ang alam nating lahat – marami at malaki ang nagawa ni dating Pangulong Duterte sa laban sa iligal na droga at terorismo. Tapos!

oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!