MAPAGSAMANTALANG DELIVERY SERVICE

MAPAGSAMANTALANG DELIVERY SERVICE

February 20, 2023 @ 1:27 PM 1 month ago


INIHAYAG ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board na maglalaan ng 100,000 slot para sa transport network vehicle service application sa buong bansa.

Mabuti na lang, hindi pa nila inilalatag ang paraan kung paano ito gagana. Sana lang, bago nila ilahad o ibigay ang slots sa iba’t ibang kumpanya na lalahok at suriin muna nilang mabuti ang mga lalahok.

Bukod pa ito sa dapat na maghain ang LTFRB ng mga patakaran at panuntunan na dapat sundin ng mga kumpanyang mabibigyan ng puwang na magserbisyo sa sektor ng transportasyon.

Totoo na magbibigay ito ng trabaho sa maraming mamamayan subalit hindi ibig sabihin ay sagot na ito sa problema sa pampublikong transportasyon.

Bakit kanyo? Marami sa mga driver ng kasalukuyang TNVS at delivery service ay pawang magugulang at dinadaya ang mga customer.

Nitong Valentine’s Day, nakapipikon ang Lalamove dahil marami sa driver nito, maging motorsiklo o sedan, ay pawang sobra ang ginagawang panlalamang sa customer nila.

Iniyayabang ng Lalamove na napakamura ng kanilang delivery fee at maaasahan ang kanilang serbisyo kahit saan. Pero may modus ang mga driver nito na kapag nagbook ang kliyente at mababa ang presyo ay hindi kaagad kinukuha ng mga driver kahit na malapit lang sila. Kaya naman kapag nainip ang customer, mapipilitan itong magdagdag ng tip mula P20, P50 at P100.

May pagkakataon na umabot na sa mahigit P100 at saka lang kukunin ng driver motorsiklo man o sedan at mas malaking sasakyan ang booking. Natural, mataas na ang presyo. Siyempre ang driver ay masayang masaya dahil malaki ang nadugas nilang bayad ng customer.

May isang modus pa ang mga driver na kapag medyo napalayo lang ng konti ang pin sa mapa kahit nabayaran nang nagpadala (sender) ay sisingilin pa o magpapadagdag pa sa pinadalhan (receiver).

Kapag ganoon, siyempre, ang kahihiyan ay nasa nagpadala. Ang alam niya malaki na ang ibinayad niya dahil nga naka-ilang add ng tip sa driver pero ang huli, manghihingi pa ng dagdag.

At kahit ang binayaran ng ‘sender’ ay solo delivery, minsan nagsasabay ang mga ito. Sa madaling salita, dumadampot nang dumadampot ng mga service delivery kaya naman madalas ay atrasado ang dating ng padala.

Isang halimbawa noong Valentine’s Day na ipinadala ng 350 p.m. subalit dumating sa pinagpadalhan ng 10:02 p.m. Saan-saan pa dumaan itong Lalamove na pinagpadalhan? Aba’y muntik na matapos ang ‘Araw ng mga Puso’ bago dumating ang regalo.

Anong masasabi ng Lalamove rito?

Ang ibang TNVS ay may kaparehong modus tulad ng sa Lalamove. Bago damputin ang booking ay hihintayin muna ng driver na magdagdag nang magdagdag ng tip sa driver bago damputin para nga naman malaki ang kita ng driver.

Kaya nga, dapat, bago magpalabas ng dagdag na slot ang LTFRB para sa mga sasakyang sinasabing makatutulong sa kakapusan sa transportasyon, dapat ay may malinaw na panuntunan na hindi naman masyadong maaagrabyado ang mga pasahero.

At higit sa lahat, dapat ay kayang supilin ng mga kumpanya ng TNVS at delivery service ang kanilang mga tauhan dahil kung hindi, dapat ay may mando sa kanila ang LTFRB na parusahan mismo ang kumpanya, kung hindi suspensyon dapat at multa.