MAPANG-APING OPISYAL HUWAG IBOTO

MAPANG-APING OPISYAL HUWAG IBOTO

February 2, 2022 @ 7:52 PM 8 months ago


MARAHAS at hayagang paglabag sa karapatan bilang mamamahayag ang ginagawa ni AKO BIKOL Party list Rep. Alfredo Garbin makaraang ipatanggal nito ang pag-ere ng Zagitsit News FM, isang radio station sa Legaspi City na pag-aari ng kilalang Bikolanong brodkaster at kababayan kong si Jun Alegre.

Mahigpit na kritiko si Alegre ni Mang Pido na normal na trabaho bilang media subalit kontrobersyal ang ginawa ng opisyal bunsod sa ipinaabot nito sa grupo ng mamamahayag ang tunay niyang pagkataong higit pa sa diktador at abusadong lider na sinusupil ang sinomang kumokontra sa kanya.

Lumutang na mistulang batang iyakin ang opisyal nang magpasaklolo ito sa National Telecommunications Commission upang ipatigil sa himpapawid ang Zagitsit, may ilang buwan na ang nakararaan dahil sa mga mga banat ni Alegre laban sa kongresista.

Hindi pa nakuntento si Mang Pido at kinasuhan pa ng 20 counts ng Cyber Libel ang kawawa ngunit patuloy na lumalabang si Alegre upang patunayan nito ang pagiging berdugo niya sa hanay ng media.

Ganitong pananakot rin daw ang naranasan ng halos 10 brodkaster at reporter ng Brigada News FM sa Legaspi City matapos mapilitang tanggalin at bigyan ng separation pay ng management itong mga kabaro natin bunsod sa pananakot umano ng kongresista sa station manager na ipasasara ang istasyon na ang ugat naman ay ang inilabas na balitang pag-kuwestyon ng isang beteranong reporter kung bakit si Elizalde Co ang ipinalit sa pinaslang na si Rodel Batocabe noong 2019 sa halip na ang anak nitong si Justine.

Akala siguro ng opisyal na ito ay tatayo ang balahibo ng mga Bikolanong kabaro natin kaugnay sa pananakot at panunupil sa hanay na ginagawa ni Mang Pido na masyadong balat sibuyas sa mga balita’t isyu na ipinupukol laban sa kanya.

Ilan pa kaya ang katulad ni Mang Pido na ginagamit ang poder upang busalan ang mamamahayag sa trabaho nitong ilantad ang kabulastugan ng mga abusadong opisyal sa gobyernong wala na ngang ginagawang kabutihan sa taumbayan patuloy pang nagpapayaman gamit ang posisyon?

Sana naman ay mahimasmasan na rin ang pagpapagamit ng mga ahensya tulad ng NTC, sa kapritso ng ilang bugok na opisyal sa bansa na hindi na dapat mailuklok pa sa poder.