MAPAYAPANG KAPASKUHAN

MAPAYAPANG KAPASKUHAN

December 27, 2022 @ 1:05 PM 1 month ago


HABANG tinitipa natin ito, mga brad, wala tayong nabalitaan sa nakaraang buong Simbang Gabi hanggang kamakalawa na araw ng Pasko na anomang pagpatay na isinagawa ng New People’s Army.

Ito’y sa kabila ng pagkamatay nitong Disyembre 16, 2022 ni Jose Ma. Sison na founding father ng Communist Party of the Philippines-NPA.

Karaniwan kasi, bago o sa araw mismo ng anibersaryo ng CPP tuwing Disyembre 26, may isinasagawang operasyong militar na malakihan at indibiduwal laban sa kanilang mga kaaway ang CPP-NPA.

Kung wala silang operasyong militar, mabuti para sa lahat.

Hindi kasi magandang tingnan na igiit ang pagpatay, sabihin mang rebolusyonaryo, sa Kapaskuhang ito dahil ngayon lang nagtitipon-tipon ang lahat ng Pilipino makaraan ang tatlong taong pandemya na pumatay ng libo-libo at nagpahirap sa lahat hindi lang sa ospital kundi sa sikmura at bulsa.

At kung wala talaga silang operasyong militar, ito ang naghiwalay sa kanila mula sa ibang mga armadong grupo na matatawag na terorista na itinataon ang pagpatay sa pagtitipon-tipong nakalaan para sa mapayapa at masayang okasyon.

Ang madugong pangyayari sa Kapaskuhan, lalo na kung madadamay ang mga inosnete, ay karaniwang nagdudulot ng takot kundi man galit mula sa mga mamamayan at maaaring ito ang isang dahilan ng kawalan ng operasyong militar ang CPP-NPA.

Kaugnay nito, masasabing tagumpay na rin ng pamahalaan bagama’t hindi buo, lalo na ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, ang mapayapang Kapaskuhang 2022.

Kung magaganap muli ang mapayapang anong pagdiriwang bunga ng kawalan ng sagupaan ng mga pwersang militar at pulisya at NPA, lalong maganda sa sambayanan.

At lalong maganda para sa lahat kung matutunan ng mga pwersang ito ang magbigay sa isa’t isa ng pagkakataon para sa pangkabuuang kapapayapaan ng bansa nating Pilipinas.