MARAMI NGA BANG GHOST VOTER NGAYONG 2022?

MARAMI NGA BANG GHOST VOTER NGAYONG 2022?

January 14, 2022 @ 12:27 PM 1 week ago


INILABAS na ng Commission on Elections ang listahan ng mga pagpipilian nating mga botante sa mga kumakandidato sa pagka-pangulo, bise-presidente at mga senador. Salang-sala na nga raw ang listahan nilang inilabas para ‘di na tayo malito.

Maganda naman ang pakay, kaya lang walang malinaw na pahayag ang Comelec kung maglalabas din ito ng sinalang listahan ng mga botante o ‘voters list’.

Bakit na naman ka ninyo? Sa akin kasing sapantaha, libo ang pinatay ng COVID-19 virus sa atin. At sa mga namatay, pihadong may mga botante rin.

Nabura o natanggal na kaya ang mga pangalan ng mga namatay nang dahil sa COVID-19 sa voters list? Yan naman ang tanong ko.

Mangyari kasi, kung ‘di matatanggal ang mga pangalang ito, maraming kandidato ang magsasamantala nito. Pihadong madaling makuha ang mga pangalan, dahil naka-record naman ito mula sa barangay o lungsod na kinabibilangan ng namatay sa COVID-19.

Madali rin gawan ng paraan ng mga pulitikong pulpol na makaboto pa ang mga namatay na tao nang dahil sa COVID-19, pabor sa kanilang kandidatura.

‘Yun ngang mismong voters registration ay nagawan nila ng paraan para mapunta sa kanila ang mga boto ng mga bagong registrant sa eleksiyon, ‘yun pa kayang namatay na at nasa listahan pa ng mga botante.

“Ghost voters” ang ngayon ay pinagkakaabalahan ng mga kandidato lalo na sa local level. Dahil sa level na ito, masinsin ang pagrerebisa ng mga kumakandidato sa voters list. Sa listahang ito ay madedetermina ng mga gunggong na pulitiko ang tsansa ng kanilang pagkakapanalo sa darating na eleksiyon.

Hindi ba’t kapag nanalo at naka-upo na ang kumandidatong pulitiko, ang iba sa kanila ay napapatunayan pang may mga ‘ghost employees’. Di na mahirap sa kanila ang makadiskarte o magkaroon ng ‘ghost voters’. Talagang ginagawa na ito, matagal na.

So, ano ang dapat gawin? Tanong ninyo na naman siguro? Nakabatay ang listahan ng Comelec sa lokal na ‘civil registrar’, na pihado ako ay hindi rin naghanda o gumawa ng paraan para ilista ang mga namatay na mga residente dahil sa virus, sa kanilang nasasakupan.

Sakit sa ulo talaga nito, kasi ang basehan dito ay ang death certificate na nanggagaling sa civil registrar, sila ang nagiisyu nito sa mga namatayan. Paano kung ang residente ng Metro Manila ay namatay sa ibang lugar? Ang civil registrar doon ang mag-iisyu ng kanilang death certificate. Malaman pa ba ng civil registrar sa mismong siyudad ng namatay ang pangyayari? Hindi na di ba? So paano yan Comelec?

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!