MARAMING MATITINONG PULIS

MARAMING MATITINONG PULIS

July 23, 2018 @ 6:55 PM 5 years ago


Nakapanggagalaiti kapag may nababalitaan tayo o kaya ay napanonood sa telebisyon hinggil sa mga abusadong law enforcer. Nandiyan ‘yung nangongotong, hulidap o extortionist na dapat lamang tanggalin sa serbisyo.

Nakahihiya!

Kaya lang, kapag mabuti naman ang ginawa, kadalasang hindi gaanong napag-uusapan o naibabalita nang matagal. Kaya minabuti po nating ialay ang bahaging ito kay SPO3 Alejandro Devalid ng Makati Police Community Precinct 6 sa lungsod ng Makati na hindi nagpasilaw sa suhol.

Si SPO3 Devalid ay tinangkang suhulan ng isang Hapon ng halagang P50,000 para huwag nang makasuhan pa ang kaibi­gan nitong isa ring Hapon, pero hindi umubra ang “padulas” at sa halip ay inaresto ito at sinampahan ng kaukulang kaso.

Ang perang ipinapansuhol ay malaking halaga na rin pero hindi nagpasilaw ang naturang pulis at ‘yan ang dapat na mapamarisan ng lahat hindi lang ng mga pulis. Isang mabuting halimbawa ng katapatan sa tungkulin ang ipinamalas ni Sergeant Devalid.

Mabuhay po kayo, sir. Gayundin ang inyong hepe sa Makati na si SSUPT ROGELIO SIMON. Congrats, bok!

Maganda ang panuntunan nitong si SPO3 Devalid na ang perang ipinapansuhol ay kaya niyang mapag-ipunan, pero kung ang dangal ay magkaroon ng kasiraan ay hindi na ito maibabalik pang muli at ito ang kanyang pinakaiingatan dahil 5-taon na lang ay magreretiro na rin ito sa serbisyo.

Ang ganitong klase ng mga pulis ang dapat tularan at pag­tuunan ng pansin ng Philippine National Police sa pangunguna ni Director General Oscar Albayalde.
Maganda ang sinimulan ni Chief PNP na sinusundan na rin ngayon ni National Capital Region Police Director CSUPT GUIL­LERMO ELEAZAR.

Nararapat lamang na unahing linisin ang hanay at maalis ang mga BUGOK na pulis nang sa ganoon ay hindi na makadamay pa ng iba.

Good job din ang masasabi natin sa pamunuan ng PNP Region 3 sa pangunguna ni CSUPT AMADOR CORPUS dahil sa programa nilang OCA.

Bagama’t katunog ng palayaw ni Gen. Albayalde, ang ibig pong sabihin ng OCA ay One Commendable Act kung saan ang mga istasyon ng pulis sa rehiyon ay kaila­ngang may ipamalas na kabutihan sa bawat araw.

Dalangin po natin na maging matagumpay ang OCA at nawa’y hindi lang One kundi One Hundred Commendable Acts ang ipakita ng ating mga tropa. – DALA KO EGCO NI JOEL EGCO