MARAMING SALAMAT SIERRA MADRE

MARAMING SALAMAT SIERRA MADRE

September 29, 2022 @ 6:49 PM 2 months ago


Mukhang natututo na ang marami sa ating mga kababayan sa ginagawang paghahanda sa tuwing may paparating na malakas na bagyo.

Ilang araw bago ang pananalasa ng Super Typhoon ” Karding” (International name: Noru), nagbabala na agad ang mga kinauukulan sa inaasahang pananalasa nito.

Sinuspinde agad ng mga alkalde ang pasok sa mga opisina at paaralan. Gayundin, hindi na pinapasok ng national government sa trabaho ang mga kawani ng pamahalaan para makasama ang kani-kanilang mahal sa buhay sa oras ng pananalasa ng bagyo.

Ang lahat ng sangay ng gobyerno na may kinalaman sa paghahanda sa kalamidad ay mabilis na nagsipag-alerto.Bagama’t may mga lugar na pininsala ang bagyong Karding sa pag-landfall nito sa bahagi ng Luzon, marami ang sobrang namangha sa mabilis na paghupa ng super typhoon.

May mga lugar na inaasahang sasalantain ng bagyo ang hindi na nito halos nadaanan. Marami tayong mga kababayan na nakahinga nang maluwag sapagkat nakaligtas sa pagkawasak ang kanilang mga bahay, pananim at buhay.

Sabi tuloy ng marami, sisiw naman pala si Karding na ikinukumpara sa lakas ng bagyong Ondoy at Yolanda. ‘Yan ang kanilang akala. Lingid sa kanilang kaalaman, ang inaasahang lakas ng bagyong Karding na mananalasa sana sa ilang bahagi ng Luzon ay humina sa tulong ng Sierra Madre. Ang Sierra Madre na siyang pinakamahabang bundok sa bansa na nasa eastern corridor ng Luzon island, ay matagal nang nagsisilbing tagaprotekta sa Metro Manila at ilang probinsiya laban sa mga kalamidad.

Matagal nang nagiging epektibong”barrier” ang Sierra Madre laban sa malalakas na bagyong parating mula sa  Pacific Ocean bago pa manalanta sa Luzon. “It was one of the factors that weakened the typhoon because a storm weakens after a land interaction. Sierra Madre is a rugged terrain so Karding naturally lost some strength,” ayon nga sa isang weather specialist. Maraming-maraming salamat SierraMadre. Ngunit sadyang tampalasan at walang utang na loob sa Sierra Madre ang sangkatauhan sa kabila ng naitutulong at mabuting naidudulot nito sa buhay at kabuhayan ng marami. Patuloy na sinisira ng iba’t ibang aktibidad ng mga tao ang forest habitat ng Sierra Madre.

Ang mayamang resources nito ay matagal nang panahong ginagahasa ng illegal logging operators, mining at development projects, kung kaya naaapektuhan na rin ang kanyang ecosystem at kakayahan nitong maprotektahan nang lubusan ang Luzon sa mga bagyo.

Sinasabing ang forest degradation ng tinatayang 1,400 ektarya kada taon sa pamamagitan ng iligal na pagtotroso, pagkakaingin, fuel-wood collection, illegal hunting at residential expansion ay patuloy na sumisira sa kabundukan ng Sierra Madre. Dapat nang kumilos ang lahat para protektahan din ang Sierra Madre.

Imbes na patuloy na wasakin at pabayaan, kinakailangang kumilos ang gobyerno, ang lahat ng ahensiya at ang mga tao sa pag-rehabilitate at conservation ng mga natural na “barriers”sa bansa kagaya ng Sierra Madre.