MARAMING SALAPI NGAYON PARA SA ILIGAL NA DROGA

MARAMING SALAPI NGAYON PARA SA ILIGAL NA DROGA

December 16, 2022 @ 11:30 AM 1 month ago


MARAMI ang umiiral na salapi sa mga araw na ito.

May mga nanggagaling sa abroad, lalo na mula sa overseas Filipino workers.

Meron ding galing sa milyon-milyong obrero, sa gobyerno at pribadong kompanya, pangunahing binubuo ng 13th month pay, bonus at iba pa.

May namimigay ring mga pilantropo na mga indibidwal at organisasyon.

May mga pautang mula sa mga nagpapautang.

May mga ayuda mula sa pamahalaan at iba pang mapagmahal sa kapwa.

Meron ding galing o bunga ng mga krimen gaya ng pagnanakaw, pandaraya at iligal na gawain.

May galing din sa korapsyon, ismagling at iba pa.

May galing din sa droga.

At marami pang iba.

SINASAMANTALA NG MGA DRUGLORD

Kung iisipin, naging bisyo at naging hanapbuhay ang pagkakasangkot sa droga.

Kailangan ng mga adik ang droga at ginagawan nila ng paraan na magkaroon ng salapi mula sa mga nabanggit na paraan ng pagkakaroon ng salapi para maipagpatuloy ang kanilang pagiging adik.

Subalit mula sa pagiging adik, naririyan ang kapwa nila adik din na kanilang binebentahan at diyan lumalawak ang bentahan ng droga.

Nagkakaroon ng sariling salapi ang mga adik na sa kalaunan nawawala rin dahil napupunta sa mga pusher.

Ang mga pusher ng mga druglord para magbenta sa mga adik, kumikita nang husto.

Subalit higit na kumikita ang mga druglord, lalo na kung protektado sila ng mga ‘ninja-cop’ o ‘ninja PDEA’ o ‘narco-politician’.

At isang pinagkakakitaan nila ang mga naipupundar nilang ligal na negosyo o pwesto sa gobyerno mula sa pamumuhunan sa droga.

PIGILAN ANG DROGA

May sapat nang kaalaman ang mga awtoridad sa pagkakilanlan sa druglords na dapat durugin dahil ugat ang mga ito ng kabuuang krimeng nauugnay sa droga.

Subalit marami sa mga awtoridad ang nagmamaangmaangan, lalo na ang mga nakikinabang sa druglords at droga.

Paano kaya itulak ang mga awtoridad na gawin ang kanilang tungkulin sa giyera sa droga?