Marawi, may dalawang bagong barangay na!

Marawi, may dalawang bagong barangay na!

March 19, 2023 @ 11:02 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – May dalawang bagong barangay na ang Marawi City sa Lanao del Sur, resulta ng ikinasang plebisito nitong Sabado, Marso 18.

Ito ay ang dalawang bagong local government units (LGUs) na Barangay Boganga II at Datu Dalidigan.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), kabuuang 948 sa 950 canvassed plebiscite returns ang bumoto ng “yes” sa pagbuo ng Barangay Boganga II mula sa Barangay Boganga.

Dalawa naman ang bumoto ng “no” o tutol dito.

Samantala, mayroon namang 473 sa 476 actual voters ang bumoto ng “yes” para naman sa pagbuo ng Barangay Datu Dalidigan mula sa Barangay Sagonsongan.

Ani Comelec chairman Goerge Garcia, ang voter turnout sa Sagonsongan ay nasa 98.5% habang 95.7% naman sa Boganga.

Matatandaan na nauna nang sinabi ng Comelec at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) nitong Sabado na naging matagumpay at mapayapa ang isinagawang plebisito sa Marawi. RNT/JGC