Marcos, bukas sa Russia oil – incoming NSA Carlos

Marcos, bukas sa Russia oil – incoming NSA Carlos

June 24, 2022 @ 2:15 PM 6 days ago


MANILA, Philippines- Handa si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.  na  gumawa ng  arrangements sa Russia hinggil sa posibleng  oil sources sa gitna ng sumirit na presyo ng langis.

Sa latest episode ng The Mangahas Interviews, sinabi ni incoming National Security Adviser (NSA) Clarita Carlos  na tila nagpahiwatig na si Russian Ambassador Marat Pavlov ng pagtulong sa PIlipinas pagdating sa  energy requirements ng bansa.

“’Yung Russian ambassador already gave one option to the Philippines na kino-consider pa ni President. Actually, Malou noon pa kami nasa Moscow, sinasabi na ng Russia, ‘yan kasi ang Russia ang daming natural gas at saka oil di ba,” ayon kay Carlos.

“Nakita mo ‘yung Russia nandoon na sa north natin so bakit hindi? Tingnan natin kung yung logistics nyan magagawa. Kasi yung oil natin nanggagaling pa sa Saudi, Middle East, layo nun. So, why don’t we consider that?”  dagdag na pahayag nito.

Giit pa ni Carlos, “Siyempre dahil lukob na lukob tayo sa anti-Russia, pro-US alisin na natin ang ganoong mindset kasi ngayon, this is an issue of energy security.”

Binanggit naman ni Pavlov na ang oil at gas  ay ilan lamang sa paksa na pinag-usapan sa pakikipagpulong nito kay Marcos Jr., araw ng Lunes.

“We are ready to cooperate with [the] Philippine side to extend our helping hand to satisfy the needs in sources of energy,” ayon kay Pavlov.

Nauna rito, sinabi ng  Department of Energy  na maaaring umabot sa  P100 kada litro ang  pump prices ng  petroleum products  kapag nagtuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo nito bunsod ng sama-samang dahilan.

Sinabi naman ni  Energy Undersecretary Gerardo Erquiza Jr., na  posibleng tumaas ng P100 kada litro ang presyo ng produktong petrolyo subalit malabo naman itong mangyari “in a single week’s increase.”

“Kung based sa isang dramatic extreme reason, bigla na lang aangat at tataas, hindi naman po (aabot ng P100),” ayon kay Erquiza.

“Pero ang nangyayari dito, nagpapatong patong patong, may posibilidad ‘yan kung tuloy tuloy na bawat araw, bawat linggo ay tumataas. Pero ‘yung biglaan ho ang pag-angat at pagtaas ng P100, ‘yun ho ay hindi naman mangyayari most likely,”  dagdag na pahayag nito. Kris Jose

-30